Misis

MGA ALENG PULIS SA BATAAN NASAGIP ‘BATTERED WIFE’

422 Views

ISANG pangkaraniwang pagpapatrolya ang nauwi sa isang misyon ng pagliligtas nang matagpuan ng pulisya ng Bataan, sa pangunguna ni Provincial Director PCol. Marites A. Salvadora, ang isang babaeng nasa panganib na naglalakad sa kahabaan ng Roman Superhighway sa Orion, Bataan.

Ang babae, na nagpakilalang si alyas “Ces” na 34-anyos at mula sa Sabatan, Orion, ay iniulat na inabuso ng kanyang asawa at naiwan na walang saplot.

Agad na kumilos si Salvadora at ang kanyang grupo. Binigyan ang babae ng jacket, sapatos, pagkain at tubig.

Dinala siya sa Orion Municipal Police Station para matiyak ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ang kanyang kaligtasan at maibigay ang tamang tulong.

Pinuri ni acting Philippine National Police (PNP) Chief PLt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mabilis na aksyon ng pulisya ng Bataan.

“Ganito ang tunay na malasakit sa kapulisan. Ang ating mga babaeng pulis ay hindi lamang tagapagpatupad ng batas ― sila rin ay nagpoprotekta sa mga mahihina, ipinapakita ang tapang at puso sa bawat aksyon,” aniya.

Dagdag pa ni Nartatez: “Ang bawat babaeng nasa panganib ay karapat-dapat na agad matulungan. Ang maagap na pagtugon ni PD Salvadora at ng kanyang kasamahan ay patunay na handa ang PNP na agad kumilos para protektahan ang mga nasa kapahamakan.”

Pinaaalalahanan ng PNP ang lahat ng kababaihang nakararanas ng pang-aabuso na huwag matakot magsalita at humingi ng tulong. Bukas ang WCPD sa pinakamalapit na police station 24/7 para sa proteksyon, gabay at agarang tulong.