Hub

2 menór de-edád nasagip sa raid sa illegal crypto-trafficking hub sa Angeles City

Bernard Galang Nov 16, 2025
487 Views

CAMP OLIVAS, Pampanga ― Dalawang menór de-edád at ilang Pilipinong manggagawa ang nasagip ng mga awtoridad sa raid sa isang ilegal na crypto-trafficking hub na nagkukunwaring business process outsourcing (BPO) company sa Angeles City sa Pampanga.

Batay sa search warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 58, sinalakay ng mga operatiba ang kompanya na matatagpuan sa Barangay Santa Teresita.

Nasagip ng mga awtoridad ang mga empleyado, kabilang ang dalawang menór de-edád, na umano’y ni-recruit para sa mga call center job ngunit napilitang magtrabaho sa ilegal na cryptocurrency farming at iba pang mapagsamantalang online activities.

Ayon sa mga imbestigador, inaakit umano ng establisimyénto ang mga aplikante gamit ang mga lehitimong alok sa trabaho bago sila isailalim sa mapanlinlang at abusadong online labor schemes.

Tatlong indibidwal ang naaresto sa operasyon na kinilalang sina “Lim,” isang Korean national na umano’y manager/operator ng scam hub; “Gie” na isang Filipina secretary; at “Jane” na isang Filipina manager.

Isa pang Korean national na kinilalang si “Park” at itinuturong co-operator ng pasilidad ay nakatakas sa isinagawang raid.

Nasamsam sa lugar ang 132 computer system units, 44 cellular phones, mga dokumento ng kompanya, permits, mga modem, router at iba pang digital devices na pinaniniwalaang ginagamit sa ilegal na operasyon.

Pinuri ni Police Regional Office 3 Director PBGen. Ponce Rogelio I. Peñones Jr. ang matibay na koordinasyon ng iba’t ibang law enforcement units, at binigyang-diin na pangunahing prayoridad ng pulisya ang pagbuwag sa mga cyber-enabled trafficking operations.

Aniya, nakahanay ang operasyon sa Philippine National Police (PNP) Focused Agenda ni acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., partikular sa pagpapalakas ng cybercrime capabilities, pagpapatibay ng police operations at pangangalaga sa komunidad.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 9208, o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act, kaugnay ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act.