Ama

Ama napagkamalang anak killer na nakamotor, pinatay

Gil Aman Nov 17, 2025
450 Views

PATAY ang isang tatay nang barilin ng isa sa dalawang suspek na pumasok sa loob ng kuwarto ng bahay nito sa Barangay Cupang, Antipolo City, madaling araw ng Nobyembre 17.

Sa report ni PCapt. Alnor Tagara ng Police Community Precinct 1 Antipolo Component City, kinilala ang biktima na si alyas “Noel” na nagtamo ng tama ng bala sa ilang bahagi ng kanyang katawan mula sa hindi mabatid na kalibre ng baril.

Ayon sa isang miyembro ng BPSO na unang nagreport sa pulisya, ang biktima ay umuwi sa kanilang bahay sa Elmars Subdivision sa Brgy. Cupang dakong 12:30 ng madaling araw.

Mga bandang ala-1:20, isang motorsiklo ang dumating at ang akala ay anak nito ang dumating dahil sa tunog ng motorsiklo, ayon sa pulisya.

Subalit nang paglabas nito ay bumungad ang isa sa mga suspek na armado pala at napilitan itong tumakbo sa kanyang kuwarto.

Matapos abutan ng salarin ay sunod-sunod itong pinaputukan hanggang sa mapatay.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo sa hindi mabatid na lugar.