Hataman

Pagpatay sa ama ng suspek sa Ateneo shooting kinondina ng isang kongresista

201 Views

MARIING kinondina ng isang Mindanao congressman ang walang saysay at kahindik-hindik na pagpatay kay Rolando Yumol (ang ama ng suspek sa Ateneo shooting na si Chao Tiao Yumol) matapos itong walang habas na pagbabarilin sa labas ng kaniyang tahanan ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Lamitan City, sa lalawigan ng Basilan.

Binigyang diin ni Basilan Rep. Mujiv Hataman na kahit ano pa man dahilan, ang pagpatay aniya ay walang katuturan at walang lugar para sa isang sibilisadong lipunan.

Umaasa si Hataman na ang nangyari sa matandang Yumol ay hindi na lumalala pa at masundan ng panibagong karahasan sa pamamagitan ng gantihan na posibleng mas magpapalubha ng sitwasyon.

Ipinaliwanag ng kongresista na hindi dapat hayaan na lamang na maging normal sa Basilan ang pagkitil ng buhay partikular na kung nadadamay ang mga inosenteng mamamayan.

Sinabi pa ni Hataman na unti-unti ng nakakabangon ang Basilan mula sa dati nitong imahe subalit ikinalulungkot niya na ang panibagong karahasan ang magpapanumbalik sa dating masamang imahe nito. Kung saan, nakilala ang kanilang lalawigan dahil sa laganap na karahasan.

Ayon kay Hataman, kung hindi mapipigilan ang kasalukuyang hidwaan sa pagitan ng magkabilang panig ay mauuwi lamang sa wala ang lahat ng kanilang pagsisikap para mapabuti ang imahe ng Basilan mula sa “bangungot” ng karahasan at talamak na “kidnapping”.

“Huwag nating hayaan na ang pagkakamali ng iba ay maging sanhi upang mabaon tayong muli sa dusa dala ng pagkitil ng buhay ng mga inosenteng tao,” sabi ni Hataman.