Calendar
May-ari ng tindahan inambush ng RIT, patay
TODAS ang may-ari ng isang sari-sari store nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin na riding in tandem sa harap ng live-in partner nito, Linggo ng gabi sa General Mariano Alvarez (GMA), lalawigan ng Cavite.
Naisugod pa ni alyas “Lorie” ang kanyang kinakasamang si alyas “Jay” sa CARSIGMA District Hospital sa Barangay Poblacion 1 subalit idineklara ring wala ng buhay sanhi ng mga tinamong mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat ng GMA Municipal Police Station, magsasara na ang biktima at live-in partner nito ng kanilang tindahan sa Brgy. F. De Castro sa naturang bayan dakong alas-7:15 ng gabi nang pagbabarilin ng lalaking naka-angkas sa dumating na motorsiklo.
Bumaba ang backrider saka sunod-sunod na pinaputukan ang biktima, bago mabilis na humarurot patakas patungo sa Sunshine Village Area.
Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaslang bagama’t may hinala ang mga imbestigador na propesyonal ang salarin dahil kahit may kalayuan ang ginawang pagpapaputok ng baril ay tumama lahat ang bala sa katawan ng biktima.
Nagsasagawa na ng backtracking ang pulisya sa kuha ng CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakakilanlan at pagdakip sa mga suspek.
Nina EDD REYES & GIL AMAN

