Dy

Speaker Dy nanindigan na dapat lumabas ang katotohanan sa flood control scandal

Mar Rodriguez Nov 25, 2025
231 Views

MULING naninindigan si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na napakahalagang lumabas ang katotohanan kaugnay sa kontrobersial na multi-bilyong flood control project kasunod ang pagpapanagot sa mga sangkot sa naturang anomalya.

Ang pahayag ng House Speaker ay kasunod din ng kaniyang pagrespeto sa naging aksiyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos itong magsumite ng mga ebidensiya na nakalap naman ng Office of the Ombudsman.

Binigyang diin ni Speaker Dy na sa simula pa lamang ay malinaw na aniya ang kaniyang paninindigan na igalang ang isinasagawang pagsisiyasat ng ICI kasabay ng pagbibigay dito ng pagkakataon para gampanan ang kanilang mandato bilang isang investigating body.

Sabi ni Dy na ito rin ang dahilan kung bakit hindi na itinuloy ng Kamara de Representantes ang sarili nitong imbestigasyon para hayaan ang ICI na magawa ang kanilang trabaho.

“Mula pa sa simula ay malinaw na ating paninindigan na igalang ang ICI at bigyan sila ng pagkakataon na gampanan ang kanilang mandato. Ito ang dahilan kaya hindi na itinuloy ng Kamara de Representantes ang sarili nitong imbestigasyon,” wika ni Speaker Dy.