Calendar
LTFRB sa RDs: Pasahero dapat komportable sa pagsakay
INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pamumuno ni Atty. Vigor D. Mendoza II, ang lahat ng regional directors na ipatupad ang mga contingency measures upang matiyak ang kaginhawahan ng mga pasahero ngayong papalapit na ang holiday season.
Ayon kay Chairman Mendoza, inaasahan ang mas maraming bibiyahe sa mga susunod na araw dahil magsisimula na ang Christmas break ng mga paaralan, at marami ring taga-probinsya ang patungong Metro Manila.
“Inaasahan natin ang mas maraming biyahero pagsapit ng Disyembre dahil sa holiday mood,” sabi ni Chairman Mendoza.
Inatasan ang lahat ng RDs na mag-inspect sa mga bus terminal at public transportation hubs sa kanilang nasasakupan.
Ang hakbang na ito ay naglalayong matiyak ang road worthiness ng mga pampublikong sasakyan at ang pisikal at mental na kahandaan ng mga tsuper sa lahat ng oras.
Pinaalalahanan ni Chairman Mendoza ang lahat ng bus companies at operators ng mga terminal at public transportation stations na ayusin ang kanilang serbisyo at pasilidad, kung hindi ay haharap sila sa kaukulang parusa.
“Ang lahat ng alituntuning ito ay nakalaan upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawahan ng mga pasahero. Huwag ninyong tratuhin ang inyong mga pasahero na para bang utang na loob pa nila ang pagsakay sa inyong mga bus at sasakyan,” paalala ni Chairman Mendoza sa mga bus companies at operators.
Hinimok ni Mendoza ang mga pasahero na i-report sa LTFRB hotline 0956-761-0739 at sa mga social media accounts ng LTFRB ang mga bus terminal at public transportation stations na may mahinang pasilidad.

