Robin

Medical Cannabis Bill ni Robin umani ng suporta

142 Views

UMANI ng suporta mula sa iba’t ibang grupo ng ang panukalang batas ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na payagan ang paggamit ng medical marijuana/cannabis at sa pananaliksik dito bilang gamot.

Pinuri ng Philippine Cannabis Compassionate Society (PCCS), isa sa mga grupo, ang katapangan ni Padilla na maghain ng ganitong panukalang batas.

“On behalf ng aming grupo maraming salamat for your boldness, na finally after nine years of advocating, meron na tayong bill sa Senate,” ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Dr. Donnabel Cunanan, na nag-courtesy call kay Padilla nitong Miyerkules.

Iginiit ni Dr. Cunanan, mahalaga ang magamit ang medical marijuana hindi lang sa mga mamamatay na, kundi sa mga kaya pang mabuhay. Dagdag niya, marami ang pasyenteng nangangailangan ng access sa medical cannabis na abot-kaya at ligtas.

Ang PCCS ay isang grupo ng pasyente, magulang at caregivers na sumusulong sa pag-institutionalize sa paggamit ng medical marijuana. Binuo ito noong 2013.

Dagdag ni Chuck Manansala ng Masikhay Research, na kasama sa bumisita kay Padilla, importante na gawing “available and safe” ang medical cannabis.

Kasama ni Dr. Cunanan at G. Manansala si Dr. Gem Marq Mutia, founder ng Philippine Society of Cannabinoid Medicine.

Isinulong ni Padilla sa kanyang Senate Bill 230 na payagan sa Pilipinas ang paggamit ng medical marijuana o cannabis at sa mas malawak na pananaliksik dito bilang gamot. Aniya, matagal nang ginamit ang marijuana bilang herbal medicine para sa mga karamdaman tulad ng gout, rheumatism, at malaria.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang medical cannabis – na produkto na tulad ng capsule at oil at hindi ang raw cannabis – ay gagamitin para sa “debilitating medical condition” ng “qualified patients.”

Nguni’t iginiit din ni Padilla na dapat magkaroon ng parusa sa pag-abuso ng marijuana. May mga safeguards ang panukalang batas para tiyaking hindi maaabuso ang marijuana.

Isinulong din ng panukalang batas ang pagpapalawak ng research and development para sa medical cannabis – at ang training ng medical cannabis physicians at pharmacists.