Calendar
Bago ng train, stations ng LRT-2 may mga gamit nang panligtas sa biglaang atake sa puso ng pasahero
INILUNSAD ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Light Rail Transit Authority (LRTA) ang paglalagay ng automated external defibrillators (AED) sa lahat ng mga train at LRT-2 stations, Martes ng umaga.
Personal na sinaksihan nina PCSO General Manager Melquiades Robles at LRTA Administrator Hernando Cabrera ang kunwari’y may pasaherong inatake sa puso sa LRT-2 Araneta Center Cubao Station, upang ipakita ang kahandaan ng mga station personnel, nurses at train guards na sumailalim pa sa training para sa epektibong pagliligtas ng buhay, gamit ang AED.
Sinabi ni Robles na malaking karangalan para sa PCSO na suportahan ang inisyatiba sa pagliligtas ng buhay ng mga pasahero ng train sa pamamagitan ng pagkakaloob ng 30 units ng AED, lalo na’t minsan na rin siyang naging administrador ng LRTA noong 2004.
“Through these life-saving devices, we are bringing safety and welfare closer to our kababayans on instructions and directions of President Ferdinand Marcos Jr. This partnership demonstrates how government agencies can collaborate to create a significant impact on public health and safety,” dugtong pa ni Robles.
Sinabi naman ni Cabrera na sa pamamagitan ng pagtutulungan, mapapahusay ang mabilis na pagtugon at pagliligtas sa buhay ng mga pasaherong dumaranas ng biglaang atake lalo na’t libo-libo ang kanilang mga mananakay araw-araw.
Sa ilalim ng nilagdaang kasunduan, magkakaloob ang PCSO ng mahahalagang gamit pang-medikal kapalit ng pagbibigay ng espasyo sa mga piling train station at bagon ng train para sa libreng mga anunsiyo ng PCSO.

