Calendar
Source: File photo
Lopez sa LTFRB: TNVS drivers na nagkakansela ng booking parusahan
INUTUSAN ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na parusahan ang mga taxi at transport network vehicle service (TNVS) drivers na nagkakansela ng mga nakatakdang biyahe ng pasahero dahil sa mga dahilan gaya ng mabigat na trapiko o malayong destinasyon.
Ipinag-utos din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) na bantayan at tugunan ang hindi katanggap-tanggap na gawain ng pagkansela ng bookings at iba pang paglabag, lalo na ngayong kapaskuhan.
Binigyang-diin ni Lopez na ang mga driver ay may pananagutan at dapat managot sa kanilang tungkulin.
“Ang parati ko pong sinasabi, pag pumasok ka sa ganitong klaseng trabaho, this is imbued with public interest. Ibig sabihin, hindi lang mas mataas na antas ang hinihingi namin sa inyo pagdating sa pag-iingat, ‘yong sinasabi nating extraordinary diligence. Pero, humihingi rin kami ng mas mataas na antas ng obligasyon at responsibilidad,” aniya.
Dagdag pa niya, ang mga taxi at TNVS na nagkakansela ng bookings ay papatawan ng kaukulang parusa ng LTFRB.
“Ito po ‘yong sinasabi natin ngayong holiday season, ‘yong mga isnabero. Hindi na lang po kasi sa taxi ‘yan. Ngayon maglalabas na po kami ng memorandum circular, ang LTFRB, isasama na namin ‘yong mga TNVS. May mga nagka-cancel e, ipagbabawal na natin [ang pagkansela ng booked trips],” paliwanag ni Lopez.
“Kasi ang karamihan ng mga driver o TNC operator, ang sinasabi nilang rason ay traffic. Kung ganoon din lang sana huwag na lang sila lumabas. Mas mababawasan pa ‘yong traffic. That’s the purpose of a public utility vehicle. Mahirap naman po kasi, tumanggap sila ng booking at pagkatapos ika-cancel lang din nila. Kawawa ang mga mananakay,” dagdag pa niya.
Samantala, inatasan ni Lopez si LTFRB Chairman Vigor Mendoza II na pag-aralan nang mabuti ang legal na batayan ng surge pricing, kung ito ba ay dapat kanselahin o ipagpaliban ngayong kapaskuhan.
Magkakaroon ng pampublikong konsultasyon ang DOTr kasama ang mga TNVS companies sa Disyembre 10 upang talakayin ang isyu ng surge pricing.
“Kailangan naming simulan na ngayong Disyembre. But I just have to strike a balance right now of either cancelling it totally or to defer it baka sa susunod na taon mas mai-implement na wala na po. We can always cancel it [surge pricing], but again baka ang mag-suffer diyan ay ang ating mga mananakay, so kailangan pong araling mabuti at iba pa rin ‘yong nakikipagdayalogo tayo nang mabuti sa TNVS. Again, the drivers, titingnan natin kung paano sila maapektuhan, kung ano ang puwedeng alternative measures na ibibigay ng kanilang kompanya,” ani Lopez.
Ipinahayag din niya na obligadong magsumite ang mga TNVS operator sa LTFRB ng listahan ng mga driver na madalas mag-kansela ng bookings.
Magtatatag din ang LTFRB ng hotline kung saan maaaring i-report ng publiko ang mga abusado at pasaway na driver.

