Calendar
Award natanggap ng NHA galing sa PCUP
IGINAWAD sa National Housing Authority (NHA) Region II/Cordillera Administrative Region (CAR) 2 Office ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Luzon ang ‘Natatanging Lingkod ng Maralita Award for Best National Government Agency’ sa pagdiriwang ng Urban Poor Solidarity Week (UPSW) sa San Fernando, Pampanga noong Disyembre 4.
Nakuha ng NHA ang award dahil sa makabuluhang kontribusyon ng ahensya sa kapakanan ng mga maralitang tagalungsod.
Tinanggap ni Region II/CAR II Officer-in-Charge Engr. Rofelie M. Balagat ang parangal sa ngalan ni NHA general manager Joeben Tai.
Ipinahayag ni Engr. Balagat ang kanyang pasasalamat sa PCUP sa pagkilala sa hindi natitinag na pagsisikap ng NHA tungo sa pagbuo ng mga sustenableng komunidad para sa mga maralitang populasyon ng bansa.
“Marami pong salamat sa PCUP sa parangal at pagkilala po sa aming ahensya bilang isa sa mga champions ng ating urban poor sector.
Makakaasa po kayo na tuloy-tuloy ang aming misyon na itaas ang antas ng pamumuhay ng ating mga maralitang kababayan para sa kanilang pag-unlad at hinaharap,” sabi ni Balagat.

