BBM

PBBM, Romualdez dumalaw sa burol ni FVR

241 Views

 

Martin

DUMALAW sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at House Speaker Martin G. Romualdez sa burol ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na pumanaw noong Linggo sa edad na 94.

Naka-usap ni Marcos ang naulilang misis ni Ramos na si dating First Lady Ming Ramos. Ipinaalala umano ng Pangulo kay Mrs. Ramos ang mga nagawa ni FVR na nagpatatag sa bansa.

“When he came into the presidency, he brought calm and he brought stability to our country,” sabi ni Marcos. “And for that, we clearly have suffered a loss for our country. But the memories of him will be good because of all the good work he did for the Philippines.”

Dumating ang Pangulo sa Heritage Memorial Park sa Taguig City alas-10:20 ng umaga.

Si FVR ay second cousin ng ama ng Pangulo na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Nagbigay rin ng kanyang huling respeto kay FVR si Romualdez na nauna ng nagpahayag ng pagdadalamhati sa pagpanaw ng dating Pangulo.

Si FVR ang nagtatag ng Lakas party na ngayon ay Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) na pinamumunuan ni Romualdez.

Idineklara ng Malacañang ang period of national mourning kaugnay ng pagpanaw ni FVR mula Hulyo 31 hanggang Agosto 9.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na si Marcos ay gagawaran ng state funeral na may full military honors sa Agosto 9.

Itinanggi naman ni Angeles ang mga kumakalat sa social media na idineklarang special non-working holiday ang Agosto 9.