Calendar
Pork-free budget ipaglalaban ng Senado — Lacson
HABANG patuloy na tinatalakay ng Kamara at Senado sa bicameral conference committee ang panukalang 2026 budget bill, sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson na kumpiyansa siyang lalaban hanggang dulo ang Senado upang matiyak na pork-free ang badyet sa susunod na taon.
Ayon kay Lacson, kabilang dito ang desisyon ng Senado na i-ratipika ang enrolled o pinal na bersyon ng budget bill upang maiwasan ang posibilidad ng mga last-minute insertions.
“Dapat maging pork-free. Kasi sobra naman kung ang daming makakasuhan, meron pa ring mag-insist na gumawa ng kalokohan at pagkakitaan ng public fund. Sagad na sa buto ang kagahaman noon,” ani Lacson sa isang panayam sa DWIZ radio.
“Give-and-take ito, to a point importante ang budget mismo mapangalagaan natin ang integridad at maiwasan ang pansariling interest. Ok ang interest ng constituents pero pag umiral ang pansariling interest iisipin lang magkano ma-kickback lalo sa infra projects yan ang masama,” dagdag niya.
Sinabi ni Lacson na bukod sa mga repormang ipinasok ng Senado sa bersyon nito ng budget bill, naglatag sina Senate President Vicente C. Sotto III at Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian ng isang bagong ideya na i-ratipika ng mga senador hindi lamang ang bicameral conference committee report kundi ang mismong enrolled bill.
“Ang isa pang gagawin namin sa Senate halimbawa nakumpleto na at may bicam report, hindi yan ang aming ira-ratify. Ang ira-ratify namin mismo ang final version which is the enrolled bill. Naka-incorporate doon ang bicam report,” ani Lacson.
Dagdag ni Lacson, ilang mahahalagang reporma ang ipinasok ng Senado sa bersyon nito ng 2026 budget bill, kabilang ang pag-alis ng allocables na tinukoy niyang bagong pork barrel dahil pinapayagan nitong pondohan ang mga proyekto kahit hindi pa tukoy, na nagbubukas ng pinto sa iba pang abuso tulad ng dayaan sa bidding na pabor sa piling mga kontratista.
Sinabi rin niya na tinanggal ng Senado ang Sustainable Infrastructure Projects Alleviating Gaps (SIPAG), na marami umanong item ay kapareho ng at posibleng doblado sa mga proyekto sa ilalim ng Basic Infrastructure Programs ng Department of Public Works and Highways.
Dagdag pa ni Lacson, binawasan din ng Senado ang unprogrammed appropriations upang matiyak na para lamang ito sa mga lehitimong gastusin tulad ng foreign-assisted projects at AFP modernization program.
Ayon pa sa kanya, tiniyak din ng Senado ang transparency sa proseso ng badyet sa pamamagitan ng livestreaming mula sa mga committee hearing hanggang sa mga pulong ng bicameral conference committee.
“Ang magandang mangyayari ngayon magkaroon sila ng sense of responsibility bantayan ang in-introduce nilang amendment lalo sa infra at maski soft project. Yan ang magandang dulot na transparent and identifiable ang nag-introduce ng amendment,” ani Lacson.

