Lacson

Mga senador na nahalal noong Mayo, di kabilang sa mga mayroong 2025 budget insertions

214 Views

HINDI kabilang ang mga senador na nahalal noong nakaraang Mayo sa mga sinasabing may insertions sa 2025 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson, kaugnay ng pahayag ni Batangas Rep. Leandro Leviste.

Sinabi ni Lacson na ang mga dokumentong binanggit ni Leviste, na umano’y nagpapakita ng P120 bilyong insertion ng mga senador sa 2025 budget ng DPWH, ay tumutukoy sa badyet na inaprubahan ng 19th Congress, ilang buwan bago ang midterm elections noong Mayo.

“Congressman Leviste should at least qualify his statement with the phrase ‘in the 19th Congress’ in fairness to the new members of the 20th Congress, including myself and Senate President Vicente Sotto III, among others,” ayon kay Lacson.

“That said, even during the previous Congresses, I never partook of allocables or pork barrel allocations, or whatever names they were called,” dagdag niya.

Si Lacson, na matagal nang kritiko ng pork barrel system, ay kabilang sa 12 senador na nahalal noong Mayo at nanungkulan noong Hunyo 30, kasama si Sotto.

Dahil dito, iginiit niya na hindi siya maaaring nakilahok sa paghahanda ng pambansang badyet para sa 2025, lalo na sa badyet ng DPWH.

Sa isang panayam sa radyo noong Lunes, sinabi ni Leviste na may P120 bilyong insertion ang mga senador sa 2025 budget, batay sa mga dokumentong sinabi niyang nakuha niya mula sa yumaong DPWH Undersecretary Ma. Catalina Cabral.

Dagdag pa ni Leviste na kabilang ang kanyang ina na si Sen. Loren Legarda sa mga may project insertion, bagama’t sinabi niya na ayon sa kanyang ina, wala itong kaalaman sa mga proyektong nakapangalan sa kanya.