Road Rage

LTO pinagpapaliwanag sangkot sa road rage sa Marikina Riverbanks

334 Views

PINAGPAPALIWANAG ng Land Transportation Office (LTO) ang mga drayber at may-ari ng mga sasakyang nasangkot sa viral road rage na nangyari noong Disyembre 24, 2025 sa Marikina City Riverbanks.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang paglalabas ng Show Cause Order (SCO) upang atasang humarap sa LTO-Intelligence and Investigation Division (LTO-IID) sa East Avenue, Quezon City sa Enero 7, 2026 ang mga rehistradong may-ari at mga drayber ng Ford Ranger Pick-up at Toyota Vios na may kinalaman sa nabanggit na insidente.

Sinabi ni Asec. Lacanilao na kailangang magsumite ng VERIFIED o SWORN COMMENT/EXPLANATION ang mga naturang mga may-ari at drayber para ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat panagutin sa mga administratibong paglabag, kabilang ang na ang Reckless Driving, Obstruction of Traffic at kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang mga lisensya ng mga drayber dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Samantala, matapos ang verification batay sa LTO database, napag-alamang noon pang Setyembre 9, 2024 ang huling registration ng Ford Ranger Pick-up, kaya may pananagutan din ang may-ari nito sa Compulsory Registration of Motor Vehicles.

Karagdagan pa, pansamantalang inilagay sa “ALARM” status ang Ford Ranger Pick-up at Toyota Vios, na nangangahulugang ipinagbabawal muna ang anumang transaksyon kaugnay ng mga sasakyang ito habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Kasabay nito, ipinag-utos din ni Asec. Lacanilao na isailalim sa PREVENTIVE SUSPENSION sa loob ng siyamnapung (90) araw ang mga lisensya ng mga drayber ng dalawang sasakyan habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ipinaalala ni LTO Chief Lacanilao na ang kabiguang humarap at magsumite ng kinakailangang sinumpaang paliwanag ay ituturing na pagwawaksi sa kanilang karapatang marinig, at ang kaso ay papasyahan batay sa mga ebidensyang nasa rekord.