Calendar
Photo mula sa NCRPO FB page
8 PULIS KULONG SA OPS VS DRUGS CUM NAKAW
INIUTOS ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/MGen. Anthony Aberin ang agarang pag-detine sa walong pulis at isang sibilyan na inakusahan ng pagnanakaw ng mga alahas sa pinasok nilang bahay Biyernes ng hapon sa Pasig City.
Kabilang sa mga ipinaaresto ni Aberin kay Eastern Police District (EPD) Director P/BGen. Aden Lagradante ang isang opisyal na may ranggong police captain, isang master sergeant, dalawang staff sergeant, tatlong corporal at isang patrolman na pawang nakatalaga sa EPD District Drug Enforcement Unit (DDEU), at isang 50-anyos na sibilyan.
Batay sa ulat, nangyari ang insidente alas-2:05 ng hapon nang pasukin ng mga pulis nang walang dalang search warrant ang isang bahay sa N. Cruz Street, Barangay Palatiw, Pasig City, at hinanap ang isang alyas “Jamaica” na umano’y kabilang sa mga drug personality.
Nang hindi matagpuan ang hinahanap, naghalughog umano ang mga pulis at nang umalis, tangay na ang iba’t ibang uri ng alahas na aabot sa P500,000 at dalawang susi ng motorsiklo.
Kaagad na nagsumbong ang mga biktima, isang babae at isang lalaki na kapuwa online seller, at isang babaeng negosyante sa Pasig City Police Station na dahilan ng pagkakadakip sa mga suspek na mariing itinanggi ang paratang.
Gayunman, nang tanungin kung may mga dokumento silang maipiprisinta na magpapatunay na lehitimo ang anti-drug operation, wala ni isa man silang naipakitang dokumento na dahilan para sila’y arestuhin.

