Calendar
Barbers nanawagan na ihinto implementasyon ng NCAP
NANANAWAGAN ngayon ang isang Mindanao congressman sa kinauukulan na ipahinto na nito ang implementasyon ng kontrobersiyal at kuwestiyonableng “No Contact Apprehension Policy (NCAP) hangga’t hindi nareresolba ang mga gusot na bumabalot sa NCAP.
Binigyang diin ni Surigao del Norte 2nd Dist. Rep. Robert Ace Barbers na mas makabubuting itigil na muna ang pagpapatupad ng NCAP hangga’t hindi naaayos ang masalimuot na usaping nakapaloob sa NCAP kabilang na aniya ang Konstitusyonalidad nito.
Sinabi ni Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na napakahalaga din na repasuhin o magkaroon ng review sa Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan sa pagitan ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO) at apat na Local Government Units (LGU’s) sa Metro Manila na kasalukuyang nagpapatupad ng NCAP.
Ipinaliwanag ni Barbers na ang lumalaki o lumolobong reklamo mula sa napakaraming motorista laban sa NCAP ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit kailangang rebyuhin ang lahat ng konrata at MOA ng NCAP upang malaman ang Konstitusyonalidad nito.
“The mounting complaints against NCAP implementation necessitates the review of all contracts and MOAs to determine their Constituionality. Marami na kasing motorista ang nagre-reklamo laban sa NCAP kaya kailangan talaga itong busisiin,” sabi ni Barbers.
Noong nakaraang Martes sa pamamagitan ng kaniyang “privilege speech”, binatikos ng kongresista kasabay ng panawagan nito na magkaroon ng isang malalim at masusing imbestigasyon laban sa NCAP. Bunsod ng sunod-sunod na reklamo ng mga motorista laban dito.
Iginiit pa ni Barbers na sa halip na maging maayos ang sistema ng NCAP ay lalo lamang nitong pinasalimuot ang sitasyon. Sapagkat mas marami aniya ang katanungan kaysa sa mga sagot tungkol dito dahil sa napakaraming motorista na nagrereklamo laban sa NCAP.