Bro. Marianito Agustin

Hindi tayo susukatin ng diyos sa dami ng ating kayamanan. Kundi kung paano natin ibinahagi ang ating kayamanan para sa ating kapwa (Lucas 12:13-21)

279 Views

“At sinabi ni Hesus sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kaniyang kayamanan”. (Lucas 12:15)

MINSAN ang mga materyal na bagay at kayaman dito sa ibabaw ng lupa ay nagmimistulang “status symbol” ng mga tao upang mayroon silang maipagmalaki o maipagyabang sa mga taong nakakakilala sa kanila. Para bang mataas ang tingin sa iyo ng iba kung ikaw ay mayaman.

Kaya may ibang tao ang halos nagkukumahog at ginagawa ang lahat ng paraan para lamang magka-pera at yumaman. Hindi nila ito ginagawa para makatikim ng kaginhawahan ang kanilang pamilya. Bagkos para magsilbing “status symbol” kung sino at ano sila sa Lipunan.

Mayroon ka na bang narinig na isang taong mahirap na naging bantog at tinitingala sa Lipunan? Wala pa hindi ba? Pero ang isang taong mayaman at masalapi. Siya ang paksa sa mga usapan dahil matunog na matunog ang kaniyang pangalan dahil sa kaniyang katayuan.

Marahil ay ganito ang nasa isip ng taong lumapit kay Hesus na mababasa natin sa Mabuting Balita (Lucas 12:13-21) matapos niyang sabihin sa Panginoon na “iutos nito sa kaniyang kapatid na ibigay sa kaniya ang bahagi ng kaniyang mana”.

Maaaring ang iniisip ng lalaki sa Pagbasa na kapag natanggap na niya ang bahagi ng kaniyang mana ay magbabago na rin ang pagtingin sa kaniya ng ibang tao. Sapagkat marahil para sa taong ito ang kayaman ang sukdulan ng kaligayahan at tagumpay sa mundo.

Kaya ang paalala ni Hesus sa mga taong nakapaligid sa kaniya na mag-ingat sila sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay hindi sinusukat sa dami ng kaniyang kayamanan”. (Lucas 12:15)

May mga tao na masyadong mataas ang pagtingin nila sa mga mayayaman. Samantalang mababa naman ang tingin nila sa mga taong mahirap. Subalit tandaan lamang natin ang sinabi ng ating Panginoon na ang buhay ng tao ay hindi sinusukat o wala sa dami ng kaniyang kayamanan.

Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na isinalaysay ni Hesus ang kuwento ng isang taong mayaman na sa palagay niya’y nakamit na niya ang tagumpay sa kaniyang buhay dahil sa dami ng kaniyang kayamanan. Kaya nasabi niya sa sarili na maaari na siyang magpahinga. (Lucas 12:16-19)

Hindi sinasabi ni Hesus na masama at kasalanan ang maging isang mayaman. Sa katunayan, ikinalulugod pa nga ng Panginoon na umuunlad tayo sa buhay dahil sa mga biyayang ipinagkakaloob niya sa atin. Ang hindi lamang kinalulugdan ng Panginoong Diyos ay ang pagiging sakim at madamot ng isang tao.

Sinasabi ng iba na “Money is the root of all evil”, ang kayamanan daw ang ugat ng kasamaan dito sa ibabaw ng mundo. Subalit tandaan lamang natin na “Money is not the root of all evil. But it’s our greed that makes it evil”. Ang ating kasakiman sa salapi ang ugat ng kasamaan.

Bakit ba may mga taong natututong magnakaw? Natututo silang magdispalko ng pera ng kanilang opisina? Manloko ng kanilang kapwa sa pamamagitan ng mga scam? Hindi ba’t ang ugat ng lahat ng ito’y ang kasakiman o “greed” ng tao sa materyal na bagay?

Inaakala kasi nila na kapag mayaman sila’y nakamit narin nila ang tagumpay sa kanilang buhay katulad ng paniniwala ng taong mayaman sa Pagbasa. Inaakala nilang isang “status symbol” ang pagiging masalapi at mayaman na para bang isa itong malaking “achievement”.

Ang totoong “achievement” sa buhay ay hindi sa pamamagitan ng pagkakaroon natin ng maraming kayamanan at salapi. Kundi ang kung sino at ano tayo sa pagtingin ng ating kapwa. Sinusukat tayo bilang tao sa mga magagandang bagay na nagawa natin para sa iba.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na huwag tayong maging sakim sa mga “blessings” na tinatanggap natin mula sa Diyos at huwag natin ipagpalagay na ang kayamanan ang “ultimate success” natin sa buhay dahil mas tinitignan parin ng Diyos ang laman ng ating puso.

Bagama’t sa palagay ng taong mayaman sa Pagbasa na isa siyang “achiever” dahil sa maraming kayamanan na naipon niya sa mahabang panahon. Ngunit ang tingin parin sa kaniya ng Diyos ay isang dukha (Lucas 12:21) sapagkat hindi tinitingnan ng Panginoon kung gaano karami ang kaniyang naipon. Kundi ang naging pagtrato niya sa kaniyang kapwa.

Pakatandaan lamang natin na hindi permanente ang pamamalagi natin dito sa ibabaw ng mundo. Darating ang panahon na babawiin din ng Panginoon ang hiniram natin buhay. Hindi niya tayo susukatin sa dami ng ating kayamanan kundi kung paano natin ibinahagi ang ating kayamanan para tulungan ang mga kapatid nating mahihirap.

Manalangin Tayo:

Panginoon turuan niyo po kaming huwag maging sakim sa mga biyayang ipinagkakaloo mo po sa amin. Nawa’y huwag din naming tignan ang kayamanan bilang sukdulan ng tagumpay. Kundi ang mga mabubuting ginagawa namin para sa aming kapwa.

AMEN

Para sa inyong reaction, mensahe, prayer request, prayer intention at counselling. Mangyaring paki text lamang po ako sa 0992-672-15-18 at 0939-534-0540. Maraming Salamat po.