Calendar
LTO pinagpapaliwanag ‘traffic enforcer’ na rider at nakarehistrong may-ari ng motorsiklo kaugnay ng viral video
NAGPALABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rider at may-ari ng isang Honda motorcycle, kaugnay ng viral video kung saan makikita itong bumibiyahe sa pampublikong kalsada na nakasuot ng vest na may markang “traffic enforcer.”
Ang nasabing rider ay may angkas na pinaniniwalaan ding traffic enforcer na walang suot na helmet.
Kapansin-pansin din na ang motorsiklo ay lumiko pakanan nang walang wastong signal light, na malinaw na paglabag sa batas-trapiko.
Dahil dito, inaatasan ni LTO Chief Markus V. Lacanilao ang rehistradong may-ari at ang sangkot na rider na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa East Avenue, Quezon City, sa Enero 15 ng alas-10 ng umaga.
Kailangan nitong magsumite ng nakasulat at sinumpaang paliwanag upang ipakita kung bakit hindi ito dapat managot sa mga kasong reckless driving; failure to use signals on starting, stopping or turning; at mandatory use of motorcycle helmet.
Sinabi ni Lacanilao na dapat maipaliwanag ng nasangkot na rider kung bakit hindi kailangang suspendihin o bawiin ang lisensiya nito sa pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Gayunman, habang dinidinig ang kaso at sa sandaling matukoy ang pagkakakilanlan ng rider, ang kanyang driver’s license ay agarang isasailalim sa preventive suspension sa loob ng 90 araw, at siya ay inaatasang isuko ang kanyang lisensiya sa panahon o bago ang itinakdang petsa ng pagdinig.
Idinagdag ni Lacanilao na pansamantalang ilalagay din sa “alarm” ang naturang Honda motorcycle sa panahon na isinasagawa ang hearing, na magpapahinto sa anumang transaksyon kaugnay dito.
Nagbabala si Lacanilao na ang kabiguang humarap at magsumite ng kinakailangang paliwanag ay ituturing na pagwawaksi ng karapatang marinig, at ang kaso ay dedesisyunan batay sa mga ebidensiyang hawak ng ahensiya.
Muling nagpaalala si Lacanilao sa publiko na mahigpit na sundin ang mga batas-trapiko at panuntunan sa kaligtasan sa kalsada, at iwasan ang anumang kilos na maaaring magdulot ng panganib sa sarili at sa mga kapuwa motorista.

