Lacson

DPWH execs na babawiin salaysay sa katiwalian kakasuhan ng maramu

176 Views

BINALAAN ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may naghihintay na “double whammy” o patong-patong na parusa kung babawiin nila ang kanilang mga sinumpaang salaysay ukol sa katiwalian sa flood control projects.

Sa isang pahayag nitong Linggo, ipinaliwanag ni Lacson na sa ilalim ng Republic Act 11594, na nag-amyenda sa Article 183 ng Revised Penal Code, mas mabigat na ang parusa sa pagsisinungaling sa mga pagdinig ng Kongreso.

“Kung sila magre-recant, magiging liable sila sa violation ng batas sa perjury… tinataas ang penalty ng perjury na kasama dito ang perjury kasi maski anong sworn statement na under oath at sinama dito sa legislative inquiry, tinaas ang penalty na prision mayor. 6 years and 1 day to 12 years. At may multa na P1M at perpetual absolute disqualification kung government official,” ani Lacson.

Ayon kay Lacson, hindi babagsak ang kaso kahit bumaligtad ang mga testigo dahil sa bigat ng mga dokumentaryong ebidensya at ang pag-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa mga account ng mga sangkot. Binanggit din niya na nagbalik na ng pera at sasakyan sina Henry Alcantara at Brice Hernandez, na isang malinaw na indikasyon ng kanilang pag-amin.

“So hindi standalone ito. Parang hindi mamamatay o babagsak ang kaso on the basis of their recantation,” dagdag ng senador.

Itinakda ni Lacson ang susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Enero 19, ala-una ng hapon. Naglabas na rin ng subpoena ang komite para kina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, dating Undersecretary Trygve Olaivar, Meynard Ngu, at dating Rep. Elizaldy Co.

“Sina Olaivar ang inimbita namin na hindi dumating noon at sinubpoena namin, pag sinubpoena at di dumating, nasa Constitution din yan na pwede silang ma-issue-an ng arrest warrant,” babala ni Lacson.

Sinagot din ni Lacson ang mga kritisismo ni Senator Imee Marcos, na aniya’y hindi naman dumadalo sa mga hearing ngunit patuloy ang pambabatikos sa integridad ng komite.

“Meron akong nasabi ko na ito, the best response to nonsense is silence. Pero pagka nagiinsulto na, hindi mo na rin pwedeng i-disregard. Iniinsulto niya ang Blue Ribbon Committee, ina-undermine niya ang integridad ng committee na member din naman siya doon. Bakit di siya mag-attend at tanungin niya?” pahayag ni Lacson.