Calendar
Bunga ng 2026 Education Budget: Mas Maraming Guro, Pinalawak na School-Based Feeding Program – Gatchalian
INAASAHANG agad na mararamdaman ang epekto ng P1.3 trilyong pondong inilaan para sa sektor ng edukasyon sa ilalim ng 2026 national budget, partikular sa pagdaragdag ng mga guro at pagpapalawak ng School-Based Feeding Program, ayon kay Senador Sherwin “Win” Gatchalian.
Naglaan ang 2026 budget ng P42 bilyon para sa paglikha at pagpuno ng mga bagong posisyon ng school personnel. Kabilang dito ang P29 bilyon para sa mahigit 32,000 posisyon ng mga guro sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Mayroon ding P9 bilyon na inilaan upang matiyak ang pagkakaroon ng mga tutor sa mga pampublikong paaralan para sa pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, na nakatuon sa pagtulong sa mga mag-aaral na nahuhuli sa kanilang pag-aaral.
Samantala, umabot sa P25.6 bilyon ang pondong inilaan para sa School-Based Feeding Program. Sa ilalim ng pinalawak na badyet, itataas sa 200 mula 120 ang bilang ng feeding days. Saklaw na rin ng programa ang lahat ng mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1, habang patuloy ang suporta para sa mga wasted, severely wasted, stunted, at severely stunted na mag-aaral mula Grade 2 hanggang Grade 6.
“Ilan sa mga agarang epekto ng makasaysayang pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon ang pagpapalawak sa School-Based Feeding program at pagkakaroon ng mga dagdag na guro, pati na rin mga tutors para sa ARAL Program na tutulong sa ating mga mag-aaral na nahihirapan sa kanilang mga aralin,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
Ang edukasyon ang nananatiling may pinakamalaking bahagi sa pambansang badyet, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyon, habang patuloy na tinutugunan ng pamahalaan ang kakulangan sa guro, learning recovery, at nutrisyon ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

