Trial

Ethics complaint nakabinbin pa sa Senado dahil committee di pa buo

159 Views

NILINAW ni Senator JV Ejercito na hindi pa pormal na nabubuo ang Senate Committee on Ethics and Privileges, kaya’t wala pang nagagawang aksyon sa mga nakabinbing ethics complaint, kabilang ang reklamong inihain laban sa kanya, ayon sa panayam na ipinalabas sa DZMM TeleRadyo.

Ayon kay Ejercito, may apat na ethics complaint na nakasampa sa Senado, kabilang ang isa laban kay Senator Francis “Chiz” Escudero, at dapat umanong sundin ang patakaran sa pagdinig ng mga ito. “By rule, as a rule, first in first out,” sinabi niya, na nakadepende sa petsa ng paghahain ang uunahin.

Ipinaliwanag niya na bagama’t siya ay itinalaga bilang chairman bago mag-adjourn ang Senado, hindi naman naaprubahan ng plenaryo ang mga miyembro ng komite. “Ako lang ang na-appoint pero wala pang member,” ani Ejercito, kaya’t hindi maaaring magsagawa ng hearing ang komite.

Sinabi niya na nang magbalik ang sesyon ng Senado ay nakatuon ito sa budget hearings at sa pag-apruba ng bicameral conference committee report, kaya’t walang pagkakataon para bumoto sa komposisyon ng ethics committee. Binanggit din niya ang kanyang pagkaka-ospital noong Disyembre. “Halos 10 araw ako sa hospital hindi na ako nakatent ng BICAM,” aniya.

Ayon kay Ejercito, si Senator Joel Villanueva pa lamang ang nominado ng minority bloc, kaya’t may isang puwesto pang bakante. Sinabi niyang susundan niya ito sa Minority Leader na si Alan Peter Cayetano upang maisumite sa plenaryo ang buong komposisyon. “Mabasa man lang sa plenary na yung buong composition ng ethics committee para makonstitute ito natin,” ani Ejercito.

Kapag nabuo na ang komite, sinabi niyang magsasagawa muna ito ng organizational meeting bago ang anumang pagdinig. “The organizational meeting would take about 15 to 20 minutes… tapos pwede na ituloy,” paliwanag niya, at idinagdag na desisyon ito ng buong komite.

Tungkol sa mga desisyon ng ibang ahensya ng gobyerno, sinabi ni Ejercito na isasaalang-alang ang lahat ng ito. “Kahit yung Comelec decision will be taken into consideration,” aniya, at iginiit na ang pagpapasya ay kolektibong gagawin ng mga miyembro.

Nagbigay rin siya ng pahayag ukol sa mga impeachment complaint na nakabinbin sa Kamara, at sinabi na bagama’t politikal ang proseso, tungkulin ito ng Senado. “Hindi man ako pabor, but it’s our constitutional duty,” ani Ejercito.

Sa usapin naman ng mga imbestigasyon gaya ng umano’y flood control scandal, sinabi niyang dapat panagutin ang mga responsable habang ipinagpapatuloy ang mga programang pangkaunlaran. “Kailangan natin panagutin ang mga salarin,” ani Ejercito.