Chiz Escudero

Gov’t hinimok na isulong tripartite agreement sa LGUs

163 Views

NANAWAGAN si Senador Francis “Chiz” Escudero sa pambansang pamahalaan na isulong ang panukalang tripartite agreement sa pagitan ng Department of Public Works and Highways, Department of Education, at Department of Agriculture, na aniya’y magbibigay-daan sa mga kwalipikadong local government unit na mapabilis ang pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran sa imprastraktura, edukasyon, at agrikultura.

Ayon kay Escudero, tinalakay niya kamakailan ang panukala kay Public Works Secretary Vince Dizon, na nagpaliwanag na dalawang rekisito ang pagbabatayan sa pagpili ng LGUs: ang kakayahang magpatupad at makatapos ng mga proyekto, at ang pagkakaroon ng matatag na peace-and-order situation upang hindi maantala ang mga programa.

“The national government should focus on LGUs that have demonstrated the ability to plan, carry out projects, and maintain order,” ayon kay Escudero, na binigyang-diin ang kahalagahan ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan.

Sinabi niya na ang mga LGU na makatutugon sa mga pamantayan ng panukalang kasunduan ay magkakaroon ng mas malinaw na daan upang makakuha ng suporta mula sa pambansang pamahalaan at maipatupad ang mga proyekto sa itinakdang panahon.

Ayon sa senador, ipinaalam sa kanya na kabilang ang Sorsogon sa mga probinsyang pasok sa itinakdang pamantayan at maaaring isaalang-alang sa ilalim ng panukalang balangkas, batay sa kahandaan nitong magpatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura.

Mula 2019 hanggang 2022, ipinatupad sa Sorsogon ang ilang proyektong pang-imprastraktura, kabilang ang Sorsogon Coastal Road, rehabilitasyon ng mga provincial at barangay road sa panahon ng pandemya, at mga hakbang sa peace and order na suportado ng Barangay Development Projects sa ilalim ng Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ayon kay Escudero.

Sinabi ni Escudero na maaaring ipatupad ang tripartite model sa iba’t ibang probinsya sa bansa, basta’t matugunan ng mga LGU ang mga rekisito sa kakayahan at peace and order.

Dagdag niya, ang paggamit ng ganitong pamamaraan sa iba pang kwalipikadong LGU ay maaaring makatulong sa mas pantay na pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran sa mga rehiyon, habang ang pakikipagtuwang ng DPWH, DepEd, at DA ay maaari ring magsilbing batayan para sa mga susunod pang inter-agency collaboration.

Sinabi ng senador na ang panukalang balangkas ay naaayon sa probisyon ng Local Government Code hinggil sa ugnayan ng pambansa at lokal na pamahalaan.