Calendar
OFW Party List nananawagan para sa pagpapaigting ng kampanya laban sa human trafficking
NANANAWAGAN ang OFW Party List sa pamahalaan para mas lalo pa nitong paigtingin ang kampanya laban sa human trafficking matapos maharang kamakailan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang babae na posibleng biktima ng human trafficking.
Ayon sa ulat ng BI, kasama ng nasabat na dalawang biktimang babae ang mag-asawa na pinaniniwalaang kanilang courier habang nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Nabatid pa sa BI na sinusubukan ng nasabing grupo na lumipad patungong China para sa di-umano’y limang araw na incentive tour na inisponsoran ng kanilang employer.
Dahil dito, sinabi ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino na panahon na para sawatain ang talamak na kaso ng human trafficking kung saan ginagamit lamang na front ang incentive tour para sa totoong layunin.
Ikinatuwiran ni Magsino na mismong ang isa sa dalawang biktima ang umamin na ang tunay na layunin ng kanilang biyahe patungong China ay para magtrabaho sila bilang domestic helper (DH) na may pangakong sahod na P40,000.
Sinabi ni Magsino na kalimitan ang pinupuntirya ng sindikatong nasa likod ng human trafficking ay mga taga-probinsiya sapagkat alam nilang madali nilang mae-engganyo o mago-goyo ang mga probinsiyano sa pangakong malaking sahod sa ibang bansa.
Pagbibigay diin ng dating Lady solon na noong siya ay aktibo pa noong 19th Congress. Patuloy itong naninindigan laban sa mga kaso ng human trafficking sa pamamagitan ng pagpapatawag ng imbestigasyon kaugnay sa mga insidente ng human trafficking.
Ikinagagalak naman ni Magsino na naging maagap ang mga tauhan ng BI para mahuli ang mag-asawang courier at masagkaan ang pagpapadala ng dalawang biktima papuntang China.

