Calendar
Pasya ng mambabatas sa impeachment vs PBBM batay sa konsensya — Ridon
SINABI ni House Committee on Public Accounts Chair Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list noong Sabado na ang mga desisyon kaugnay ng mga impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ay sa huli ay ibabatay sa konsiyensya ng bawat mambabatas, habang naghahanda ang Kamara na simulan ang pormal na mga pagdinig.
Sa ginanap na Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni Ridon, isang abogado, na sisimulan ng House Committee on Justice sa Lunes ang pagtukoy kung sapat sa porma at kalaunan sa substansya ang mga impeachment complaint laban sa Pangulo.
Binigyang-diin ni Ridon na ang magiging resulta ng mga pagdinig ay nakasalalay sa ebidensya at sa paghuhusga ng bawat miyembro ng Kamara.
“Ang mga impeachment proceedings ay laging ibabatay sa mga katotohanan at ebidensya, at ang mga desisyong may kinalaman sa impeachment ay ibabatay sa konsiyensya ng bawat miyembro ng Kamara,” ani Ridon.
Ayon pa kay Ridon, walang magiging epekto sa magiging pasya ng mga mambabatas ang mga pananaw o posisyong nagmumula sa labas ng lehislatura.
Dagdag niya, ang mga pamantayang itinatakda ng Konstitusyon para sa impeachment ang mananatiling gabay ng mga mambabatas sa pagsusuri ng mga reklamo.
“Kasi sa huli, ang tanong sa anumang impeachment proceedings ay: ano ba ang batayan?” ani Ridon. “Ito ba ay culpable violation ng Konstitusyon? Ito ba ay betrayal of public trust?”
“Magsisimula po sa Lunes ang proceedings ng House Committee on Justice,” dagdag niya. “Handa po ang buong komite na dinggin ang dalawang usapin—ang sufficiency in form at sufficiency in substance—ng mga impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand Bongbong R. Marcos Jr.”
Sinabi ni Ridon na bibigyan ng pagkakataon ang mga nagrereklamo na ilahad ang mga batayan ng kanilang mga paratang kapag nagsimula na ang mga pagdinig.
“Kaya magsisimula po ang pagdinig sa darating na Lunes ng umaga,” aniya. “Antabayanan po natin ang paglalahad ng mga nagrereklamo ng lahat ng kanilang magiging batayan sa pagsasampa ng kaso laban kay Pangulong Marcos.”
Binigyang-diin din niya na ang impeachment proceedings ay hindi dinidikta ng panlabas na presyur o mga utos na pampulitika.
“Ang impeachment po ay isang eksklusibong prerogatibo ng lehislatura,” ani Ridon.
Dagdag pa ni Ridon, kikilos ang Kamara nang naaayon sa mandato nito sa pagsusuri ng mga reklamo sa pagsisimula ng mga pagdinig ngayong linggo.
