Calendar
BI agents inaresto ‘Kanong wanted sa panghahalay, pang-aabuso
İNARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang Amerikanong wanted sa rape at pang-aabuso ng menor-de-edad sa Lucena City noong Miyerkules.
Ayon kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na naaresto ang 56-anyos na suspek na si alyas Jan sa Brgy. Mayao, Lucena City sa pakikipagtulungan ng Lucena City police at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Bukod sa kanyang mga kaso, hindi kanais-nais, overstaying alien at pugante mula sa hustisya ang suspek batay sa opisyal na komunikasyon mula sa pamahalaan ng Estados Unidos.
May nakabinbing warrant of arrest mula sa Superior Court of Washington for King County noong 2024 ang suspek dahil sa kasong rape in the second degree at rape of a child in the third degree.
Binawi na rin ng US Department of State ang kanyang pasaporte kaya maituturing na undocumented alien na si alyas Jan.
Huling pumasok sa Pilipinas ang suspek noong 2023 at hindi na nag-renew ng visa kaya’t siya’y maituturing nang overstaying alien.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang pag-aresto ay patunay ng mas pinaigting na kampanya ng Bureau sa ilalim ng #ShieldKids, na naglalayong protektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso, exploitation at krimeng sekswal na ginagawa ng mga dayuhan.
“Malinaw ang utos ng Pangulo–hindi magiging kanlungan ang Pilipinas ng mga mandaragit at pugante.
Sa pamamagitan ng #ShieldKids campaign, lalo naming pinaiigting ang aksyon laban sa mga dayuhang nagdudulot ng panganib sa ating mga kabataan at komunidad.
Ang mga umaabuso sa ating pakikipagkapwa ay mahahanap, maaaresto at ipapadeport,” sabi ni Viado.

