Hontiveros

Hontiveros nagbabala sa banta sa pambansang seguridad

170 Views

BINANATAN ni Senadora Risa Hontiveros ang pahayag ng Chinese Embassy laban sa mga Pilipinong opisyal, kasabay ng babala na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanyang disimpormasyon na maaaring banta sa pambansang seguridad.

Sa kanyang talumpati sa harap ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), inilarawan ni Hontiveros ang mga pahayag ng embahada bilang “grossly undiplomatic” at “disturbingly similar to paid social media trolls.”

Aniya, ang mga inilalabas sa opisyal na Facebook page ng embahada ay tila bahagi ng isang kampanyang naglalayong siraan ang mga Pilipinong pumupuna sa kilos ng China sa West Philippine Sea. “All of these are designed to divide us as Filipinos. All of these aim to weaken our resolve,” ayon sa senadora.

Ibinunyag din niya na sa isang nakaraang pagdinig sa Senado, kinumpirma ng Makati-based PR firm na InfinitUS na sila ay binayaran ng Chinese Embassy para sa PR work. “Now, we must determine the true scope of that engagement… whether this project crossed the line into manufacturing and manipulating Filipino public opinion using the Chinese government’s lies,” giit ni Hontiveros.

Dagdag pa ng senadora, ang nasabing mga operasyon ay hindi lamang para siraan ang mga bumabatikos sa China kundi para linlangin ang publiko gamit ang mga pekeng impormasyon at haka-haka.

Hindi rin pinalampas ni Hontiveros ang usapin sa ekonomiya. Binanggit niya ang 4.4% growth rate bilang “wake up call” at iginiit na kailangang palakasin ang BPO, manufacturing, at agrikultura para sa mas matatag na kabuhayan.

“We should work towards a brighter and more resilient economy, alongside a social and information space free from foreign propaganda and lies,” pagtatapos ng senadora.