Calendar
DILG nag-alok ng P1M para sa info na magtuturo sa killer ng pulis na nilagay sa septic tank
NAG-ALOK ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng P1 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magtuturo sa pag-aresto sa isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay sa isang 48-taóng-gulang na ahente ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) na natagpuang patay sa loob ng isang septic tank sa Malolos City, Bulacan noong Sabado ng umaga.
Ayon kay DILG Secretary Juanito Victor C. Remulla, ibibigay ang pabuya sa tipster na makapagtuturo sa pulisya sa kinaroroonan ng suspek na kinilalag si Julian Salamat.
Sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Police Regional Office 3 (PRO3) Director Brigadier General Ponce Rogelio I. Peñones na inaresto na rin nila ang isang miyembro ng Bulacan Police Provincial Office, na kinilalang si Corporal Vivencio Abalos, dahil sa kabiguang arestuhin ang suspek matapos itong lumapit sa kanya at umamin sa pagpatay kay Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr.
“Nang mangyari ang insidente, noong hapon, si Julian Salamat at isang saksi ay nag-report kay Cpl. Abalos tungkol sa naganap na pagpatay—kung paano niya binaril si Casauay—ngunit wala siyang ginawa,” pahayag ng hepe ng pulisya sa Central Luzon.
“Wala siyang ginawa. Bilang isang pulis, dapat ay agad niyang inaresto ang suspek, pero nalaman lang namin ang buong katotohanan makalipas ang anim na araw. Kaya nang mabuo namin ang istorya, inaresto namin si Cpl. Abalos bilang accessory to the crime,” dagdag ni Brig. Gen. Peñones.
Idineklara ni Sec. Remulla, kasama si PNP Chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr., na solved na ang kaso ng pagpatay kay PSSgt. Casauay, kahit patuloy pa rin ang malawakang pagtugis ng PRO3 sa iba pang mga suspek.
Natagpuan ang bangkay ni Casauay sa loob ng isang septic tank sa Barangay Mucon, Malolos City noong Sabado, pitong araw matapos siyang huling makita noong Enero 24, na siya ring araw ng kanyang kaarawan.
Batay sa imbestigasyon ng PRO3, sinabi ng napatay na pulis sa kanyang asawa na makikipagkita siya sa isang “asset” sa Malolos City sa araw ng kanyang kaarawan. Ini-report ng kanyang asawa ang pagkawala niya matapos siyang hindi na umuwi.
Lumabas sa imbestigasyon na ang pulis ay binariI ng isang beses sa ulo at dalawang beses sa mga kamay. Ipinakita rin ni Sec. Remulla sa mga mamamahayag ang CCTV footage na nagpapakita sa biktima kasama ang ilan sa mga suspek bago marinig ang hindi bababa sa anim na sunod-sunod na putok ng baril sa lugar.
Matapos ang pamamaril, nilinis umano ng mga suspek ang pinangyarihan ng krimen at inilagay ang bangkay ng pulis sa septic tank upang itago ang kanilang ginawa. Sinabi ni Sec. Remulla na may ilang lokal na saksi, kabilang ang mga tricycle driver na naghihintay ng pasahero malapit sa lugar, ang nakarinig ng putok ng baril ngunit hindi ito ini-report sa pulisya.
Iniugnay ni Brig. Gen. Peñones ang pagpatay kay Casauay sa umano’y panghihimasok nito sa mga operasyon ng grupo ni Salamat, na pinaniniwalaang sangkot sa ilegal na droga.
Isa sa mga suspek na kinasuhan kaugnay ng kaso, na kinilalang Oliver Mauricio, ay napag-alamang may-ari ng bahay kung saan pinatay ang pulis.
Sinabi ni Sec. Remulla na patuloy na kinokolekta ng mga imbestigador ng PRO3 ang mga CCTV footage at ebidensiyang forensic upang matiyak ang pagkakahatol sa mga suspek. Dagdag pa niya, nakakuha na rin ng extrajudicial confessions mula sa mga naarestong suspek hinggil sa paglilinis ng lugar ng krimen.
Ayon pa kay Remulla, ang pangunahing suspek na si Salamat ay miyembro ng Black Riders Force Multipliers na tumutulong sa lokal na pulisya.
Bukod kina Salamat at Mauricio, kabilang pa sa mga suspek sina Arvin Santiago at Nick Convoy, na umano’y tumulong sa pagtatakip sa krimen.
Ayon sa hepe ng PRO3, napatunayang walang ginawa si Cpl. Abalos kahit nalaman niyang napatay na ang operatiba ng PNP-DEG.
Bandang 11:30 ng gabi noong Enero 31, narekober ang bangkay ng biktima sa No. 001 Green Street, Felicisima Village, Barangay Mojon, Malolos City. Positibong kinilala ng asawa ang bangkay ng pulis.
Nakarekober rin ang mga imbestigador ng ilang spent shell casings sa lugar ng krimen.
Sinabi ni Sec. Abalos na naganap ang pagpatay sa malinaw na araw, kaya minabuti ng mga suspek na itago ang bangkay sa septic tank dahil hindi nila ito mailabas sa lugar na maraming posibleng makakita.
Ayon kay Brig. Gen. Peñones, sa isinagawang pagtatanong, iginiit ni Cpl. Abalos—na nagsisilbi ring consultant ng Black Riders—na hindi niya inaresto si Salamat dahil natakot umano siyang siya naman ang mapatay.
“Ang lugar na iyon ay kilalang pugad ng droga at may mga naaresto na roon noon. Asset ng biktimang pulis si Salamat, ngunit siya rin ang pumatay sa kanya,” ani Peñones.
Pinuri ni Gen. Nartatez ang PRO3 at ang Bulacan Police Provincial Office na pinamumunuan ni Colonel Angel L. Garcillao sa mahusay na pagresolba sa tinaguriang “septic tank case,” gayundin ang NCRPO sa pamumuno ni Major General Anthony A. Aberin at ang Quezon City Police District sa ilalim ni Colonel Randy Glenn G. Silvio at kanilang mga team leader sa paglutas ng kaso ng pinaslang na pulis na babae at ng kanyang 8-taóng-gulang na anak.
“Tinitiyak ko na ang kasong ito ay magkakaroon ng katiyakan ng hatol na guilty,” pahayag ng hepe ng PNP.

