Angeles

Polisiya para sa direktang pag-angkat ng asukal ng food manufacturers pinag-aaralan

208 Views

PINAG-AARALAN ng Malacañang ang panukala na payagan ang mga food manufacturer na direktang mag-angkat ng asukal na kailangan para sa kanilang ginagawang produkto.

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ilalabas ng Palasyo kung anuman man ang magiging desisyon nito kaugnay ng panukala.

Nauna ng sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maaari itong gawin bilang bahagi ng emergency measure upang matugunan ang kakapusan ng suplay na nararanasan ng bansa.

Ang polisiyang ito ay daraan sa Sugar Regulatory Administration (SRA) na pinamumunuan ni Marcos.

Sinabi naman ni Cruz-Angeles na magpapatuloy ang isinasagawang inspeksyon sa mga warehouse upang matukoy kung sinasadya na ipitin ang suplay ng asukal upang tumaas ang presyo nito.

Ayon kay Executive Secretary Victor Rodriguez mayroon itong natanggap na impormasyon na itinutulak ang pag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal upang magamit ito ng mga hoarder sa pagpapalabas ng kanilang inimbak na asukal.