Goitia Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA, bukod pa sa iba

PH walang ipagkakasundong soberanya — Goitia

Jon-jon Reyes Feb 8, 2026
161 Views

ANG mga pag-atake sa legal na posisyon ng Pilipinas, lalo na laban sa Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP), ay hindi maaaring palampasin. Kapag pinahihina ang mga institusyong nagtatanggol sa Republika, ang neutralidad ay hindi na pagiging maingat. Ito ay nagiging pagsuko.”

Ito ang diniin Dr. Jose Antonio Goitia.

Dagdag niya na ang mga panawagan para sa pag-urong ay bihirang aminin bilang pagtataksil. “Kapag ang paghina ng soberanya ay ginagawang normal at tinatawag na “realismo,” hindi na ito simpleng pagkakamali. Ito ay nagiging malinaw na pagtalikod sa interes ng bayan ayon sa epekto at bunga nito.”

Nakaugat ang karapatan ng Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Sea at pinagtibay ng desisyong arbitral noong 2016 na bumura sa pag-angkin ng Tsina. Kapag pinag-uusapan pa lamang ang pagsuko ng teritoryo, kusa nang binabawasan ng bansa ang sariling depensa at pinapalakas ang panig ng umaagaw.

Dagdag ni Goitia na hindi maaaring maliitin ang epekto ng mga pahayag nina Senador Rodante Marcoleta, Senador Robin Padilla, at ilang personalidad sa media.

“Ang soberanya ay hindi usapin ng opinyon,” giit ni Goitia. “Ito ay nakapaloob sa Konstitusyon at sa batas. Ang pagdududa rito ay tahasang banta sa kakayahan ng Republika na ipagtanggol ang sarili.”

“Ang Palawan ay hindi kailanman naging bahagi ng Tsina,” ani Goitia. “Walang dinastiyang Tsino ang namahala rito at walang kasunduang naglipat ng soberanya.”

Ang tunay na panganib ay ang pagtatangkang bihisan ang pagsuko bilang pagiging praktikal at ang pag-atras bilang karunungan, aniya.

“Ganito palagi nagsisimula ang pananakop,” wika ni Goitia. “Sa pagsasabing masyadong mahina ang isang bayan upang lumaban. Ngunit paulit-ulit nang pinatutunayan ng kasaysayan na mali ang ganitong paniniwala tuwing pinipili ng mga Pilipino ang tapang kaysa takot.”

“Walang isusukong teritoryo. Walang soberanyang ipagkakasundo. Ang Pilipinas ay naninindigan,” diin ni Goitia