Vergeiri

2 kaso ng monkeypox naitala ng DOH

170 Views

Nadagdagan ng dalawa ang bilang ng kaso ng monkeypox sa bansa.

Sa ulat na inilabas ng Department of Health (DOH) sinabi nito na parehong naka-isolate ang dalawa at tinutukoy na ang mga tao na kanilang nakasalamuha.

Ayon kay DOH officer in charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang isa sa mga nahawa ay 34-anyos at nanggaling sa mga bansa na mayroong kumpirmadong kaso ng monkeypox.

Lumabas umano ang resulta ng polymerase chain reaction (PCR) test noong Huwebes kaya nakumpirma na mayroon itong monkeypox.

Ang isa pang kaso ay 29-anyos na nanggaling sa isa sa mga bansa na may kaso ng monkeypox. Lumabas naman ang resulta ng kanyang PCR test noong Biyernes. Natukoy na ang 17 sa kanyang mga nakasalamuha.

Sinabi rin ni Vergeire na ang unang kaso ng monkeypox sa bansa—isang 31-anyos– ay nakatapos na ng isolation noong Agosto 6. Ito ay nanggaling sa bansa na mayroong kaso ng monkeypox at dumating sa bansa noong Hulyo 19.

Ang 10 nakasalamuha nito ay nakatapos na rin ng quarantine at walang nakitang sintomas ng monkeypox sa kanila.

Tatlo na ang kumpirmadong kaso ng monkeypox sa Pilipinas.

Ipinaalala ni Vergeire sa publiko na bagamat nakakahawa ang monkeypox maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health protocol.