Bill

Power bill lang sakop ng govt subsidy

176 Views

SINABI ni Sen. Sherwin Gatchalian na dapat tumuon lamang sa nakukunsumong kuryente ang sakop ng electricity lifeline program para sa mahihirap na pamilya at hindi upang bayaran nang buo ang buwanang electric bill.

“Ang lifeline program ay dinisenyo upang magbigay ng subsidiya para sa mga pangunahing kasangkapan o basic appliances at hindi nito intensyon na bayaran nang buo ang electricity bill ng mga benepisyaryo,” paglilinaw ni Gatchalian.

Ayon sa kanya, ang pangunahing sakop ng programa ay mga pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at dapat mapakinabangan lamang ng mga kuwalipikadong mahihirap.

Binanggit din ni Gatchalian ang RA 11552 na nagpalawak ng lifeline rate subsidy sa loob ng 50 taon.

Binigyang-diin niya na may mga naging isyu noon sa pagkuha ng anuman sa consumption.

“Kapag ang consumption mo ay 20 kilowatt-hours per month, pwede ka nang maka-avail ng lifeline rate. Dati, consumption lang ang basehan. Kaya may mga condo na hindi naman natitirhan ng owners dahil may bahay sila sa ibang lugar, pero nakaka-avail pa rin,” paliwanag ng senador.

Sa ilalim ng lifeline rate program, ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng 4Ps ay dapat may buwanang konsumo ng kuryente na 100 kWh o mas mababa pa upang makakuha ng diskwento mula 20 hanggang 100 porsyento sa kanilang Meralco bill.