Ortega1

Pagkasangkot ni VP Sara sa katiwalian nagtulak kay Ortega na i-endorso 4th impeachment complaint

Mar Rodriguez Feb 19, 2026
127 Views

BINIGYANG DIIN ni House Deputy Speaker at La Union 1st District Representative Francisco Paulo P. Ortega V na ang pagkakasangkot ni Vice President Sara Duterte sa katiwalian ang nagtulak sa kaniya para i-endorso ang ikaapat na impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.

Sinabi ng House Deputy Speaker na ang seryoso, nakakabahala at hindi maipaliwanag na yaman ni VP Sara ang isa sa mga nakikita nitong dahilan kaya gumawa ito ng taktika para sadyang iwasan ang mga isyung ikinukulapol sa kaniya.

Ikinatuwiran ni Ortega na tiyak na mahihirapan at posibleng “dumugo” pa umano ang ilong ng Pangalawang Pangulo kung pagpapaliwanagin ito kaugnay sa nakasaad sa kaniyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ang ika-apat na impeachment complaint ay isinampa ni Atty. Nathaniel Cabrera at personal na nagtungo sa opisina ni House Secretary General Cheloi Garafil kung saan kabilang si Manila 6th District Representative Bienvenido “Benny” A. Abante, Jr. sa mga endorser ng nasabing reklamo.

Nakasentro ang inihaing reklamo ni Cabrera sa hindi maipaliwanag at kaduda-dudang yaman ni VP Sara kasunod ang kahilingan nito na magkaroon ng masusing pagre-repaso o review sa lahat ng bank records at transaction ng Pangalawang Pangulo.

“This is about constitutional accountability. The SALN is mandatory and must be complete and truthful, and any undeclared asset or unexplained wealth is a grave issue,” sabi ni Oretga.

Pagbibigay diin pa ng kongresista na hindi rin nakasaad sa SALN ni VP Sara ang ilang bank accounts nito, ari-arian at cash deposits na lalong nagpapalakas ng kanilang pagdududa at agam-agam kung ito ba talaga ang tunay na yaman ng Pangalawang Pangulo.

“If public officials are required to disclose all assets and live modesty. Then any material omission is a serious constitutional concern that the House cannot ignore,” dagdag pa ng mambabatas.

Para panindigan ang kaniyang pahayag, inihalimbawa ni Ortega ang testimonya ng diumano’y dating bagman ni Duterte na si Ramil Madriaga na nagsiwalat na nagde-deliver siya ng milyon-pisong pera nakalakagay sa duffle bag para sa Pangalawang Pangulo matapos ma-enchash ang confidential at intelligence funds.