Calendar
VP Sara kayang i-impeach sa Kamara–Rep. Abante
KUMPIYANSA si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na mayroon silang sapat na boto upang maipadala ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado para sa gagawing paglilitis.
Binigyang-diin ni Abante, isa sa mga endorsers ng impeachment, na kayang makuha ng Kamara de Representantes ang kinakailangang boto para maipadala sa Senado ang reklamo laban kay VP Sara.
Sinabi niya na higit pa sa sapat ang mga botong inaasahang makukuha mula sa mga kongresista para malampasan ang “1/3 threshold” sakaling umabot na sa plenaryo ang impeachment complaint.
“Oo, higit pa sa sapat,” pahayag ni Abante.
Ipinaliwanag din ni Abante ang magiging proseso ng impeachment complaint sa Kamara kung saan ito ay magsisimula sa referral process para sa gagawing deliberasyon at magtatapos sa botohan ng mga mambabatas na magdedetermina kung magtitipon ang Senado bilang impeachment court.
Inihain ni Atty. Nathaniel Cabrera ang impeachment complaint laban kay VP Sara sa Office of the House Secretary General na inendorso naman nina Abante at at La Union Rep. Francisco Paolo Ortega V.

