DHSUD nanguna sa town hall meets, summits para sa HOAs

Jun I Legaspi Feb 23, 2026
95 Views

NAGSAGAWA ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng regional summits at town hall meetings para sa mga homeowners associations (HOAs) sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Ang inisyatibong ito alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan sa patnubay ni Secretary Jose Ramon Aliling.

Sa CALABARZON, pinangunahan ng DHSUD Regional Office (RO) 4A ang HOA Summit at Stakeholders’ Forum 2026 na dinaluhan ng mga opisyal ng HOA, mga lider ng federation at mga katuwang na ahensya.

Tinalakay dito ang mas malalim na pag-unawa sa mga batas at regulasyon, mga obligasyon sa pamumuno, at karaniwang isyu sa pamamahala.

Binigyang-diin ni Supervising Senior Undersecretary Sharon Faith Paquiz ang kahalagahan ng may kaalaman at may pananagutang pamumuno ng HOA sa pagtatatag ng organisadong pamayanan.

Sa Region VII, pinangunahan ni Director Mark Anthony Lindugan ng DHSUD RO 7 ang town hall meeting kasama ang Federation of Budlaan Relocatees at limang HOAs.

Tinalakay ang tamang pagsasagawa ng eleksyon, transparency sa proseso, at mga hamon gaya ng mababang partisipasyon ng miyembro at hirap sa pag-abot ng quorum.

Sa Region X, pinangunahan ni Director Paris Raymond Gaballo ng DHSUD RO 10 ang town hall meeting kasama ang Bamboo Lane Homeowners Association, Inc. sa Cagayan de Oro City.

Sa Region XI, pinangunahan ni Director Norman Jacinto Doral ng DHSUD RO 11 ang town hall meeting na dinaluhan ng 53 miyembro mula sa pitong HOAs sa Doña Mercedes Village Homeowners Association, Inc.

Ayon kay Undersecretary Roman Nicholo Molina ng HOA and Community Development Bureau, malinaw ang mensahe sa lahat ng rehiyon–ang matatag, transparent at participatory na HOAs ay pundasyon ng matibay at maayos na pamayanan.

“Hindi lamang tayo nagtatayo ng mga bahay—nagtatatag tayo ng mga pamayanang may maayos na pamamahala.

Kapag ang homeowners associations ay may sapat na kaalaman, malinaw na pananagutan, at aktibong partisipasyon ng mga miyembro, mas nagiging matatag ang komunidad,” sabi ni Secretary Aliling.