Ortega1

VP Sara may oras, plataporma pero nanahimik tungkol sa paratang–Rep. Ortega

Mar Rodriguez Feb 23, 2026
120 Views

MARAMING pagkakataon si Vice President Sara Duterte para sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya pero sinayang lang ng pangalawang pangulo, ayon kay House Deputy Speaker Francisco “Paolo” Ortega V.

Binigyang diin ng House Deputy Speaker na may mga plataporma si VP Sara upang ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa mga akusasyon laban sa kaniya subalit sa kasamaang palad mas pinili nitong manahimik.

Iginigiit ni Ortega na may sapat na pagkakataon ang pangalawang pangulo upang sagutin ang mga paratang laban sa kaniya subalit nagsawalang kibo lamang ito na lalong nagpalala sa kanyang sitwasyon.

“Sabi ko nga, may oras siya, may plataporma siya, may posisyon siya para ipagtanggol ang sarili pero pinili niyang manahimik at talikuran ito.

Kaya dapat po sinagot agad ang mga alegasyong iyan at hinarap ang mga ibinabato sa kanya; baka sakaling iba ang naging takbo ng mga pangyayari,” ayon kay Ortega.

Paliwanag ng kongresista na ang mga opisyal ng gobyerno ay pinananagot sa mas mataas na pamantayan, lalo na ang mga nagnanais tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

Dagdag pa ni Ortega na hinihikayat niya ang pangalawang pangulo na harapin ang mga isyu nang diretso kasunod ng payo na: “Kung tatakbo ka, huwag kang umiwas.”