Poa

Guro na nam-bully ng estudyante mananagot—DepEd

234 Views

TINIYAK ng Department of Education (DepEd) na mananagot ang guro na inakusahan na nam-bully ng estudyante kung mapatutunayan ang alegasyon laban sa kanya.

Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa ang guro ay sasailalim sa administrative proceedings.

Iginiit ni Poa na ang DepEd ay mayroong zero-tolerance policy laban sa anumang uri ng pang-aabuso.

Sinabi ni Poa na nakausap na ng mga opisyal ng school division office ang magulang ng biktima noong Agosto 23.

Ayon sa ulat, tinawag ng guro na “bobo,” “bruha ka” at “hayop” ang estudyante na mabagal magsulat sa kanyang klase noong Lunes, unang araw ng klase sa pampublikong paaralan.

Umuwi umanong umiiyak ang Grade 5 student at isinulat sa papel ang pangyayari.

Kinuhanan umano ng litrato ni Jeannie Vargas, tiyahin ng biktima, ang isinulat ng bata at ipinost ito sa Facebook. Sinabi ni Vargas na na-trauma ang kanyang pamangkin.

“Pano mong nasasabi mga gantong bagay sa isang 10-year old sa pinakaunang araw ng pasukan nila? Kung hindi po masaya sa pagiging guro sa mga bata, hanap na lang po ng ibang career. Wag nyong idamay mga estudyante na sumusubok pa lang lumaban sa buhay,” sabi ni Vargas sa kanyang post.