Calendar
Mas mahigpit na panuntunan sa late civil registration panawagan
GUSTO ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian ng mas mahigpit na mga panuntunan sa late civil registration upang maiwasan ang pang-aabuso habang tinitiyak na hindi mawawalan ng pagkakataon ang milyun-milyong Pilipinong walang birth certificate.
Sinabi ni Gatchalian na kailangang maging balanse ang mga reporma sa pagitan ng accessibility at seguridad.
“Dapat itong maging isang balancing act. Hindi natin ito maaaring higpitan nang husto dahil mawawalan ng karapatan ang ating mga kababayan, ngunit hindi rin natin ito maaaring masyadong paluwagin dahil pagsasamantalahan ng mga kriminal na sindikato ang maluwag na polisiya,” sabi ni Gatchalian.
Tinatayang 3.6 milyong Pilipino ang walang birth certificate batay sa 2020 census. Samantala, halos 40 porsiyento ng mga birth registration na naihain noong 2023 ay late na.
Sinabi ng senador na mahalaga ang late registration upang mabigyan ng legal na pagkakakilanlan at akses sa pangunahing serbisyo ang mga kapus-palad na sektor.
Gayunman, iginiit niya na kailangang palakasin ang mga checks and balances upang maiwasan ang pagsasamantala sa sistema.

