Calendar
Mahigit P102M nalikom mula subasta ng mga luxury cars ng mga Discaya





NAKALIKOM ang Bureau of Customs (BOC) ng mahigit P102 milyon mula sa subasta ng mga mamahaling sasakyan na pag-aari ng kontrobersyal na mag-asawang Discaya.
Sa isang pahayag noong Biyernes, sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na ang nalikom na kita ay mula sa pagbebenta ng siyam sa 13 sasakyang nasamsam mula sa mag-asawa.
“Ibinabalik ng BOC ang mga pondong ito sa Bureau of the Treasury, kung saan maaari itong gamitin upang suportahan at pondohan ang mga programa ng pambansang pamahalaan para sa ating mga kababayan,” ani Nepomuceno.
Sa 12 sasakyang inialok sa subasta noong Pebrero 25, pito ang may kaugnayan sa Discaya, at tatlo sa mga ito ang naibenta.
Ang 2024 Lincoln Navigator ay naibenta sa Cantinetta Espresso Concepts sa halagang PHP6.95 milyon; ang 2022 Cadillac Escalade ESV ay napanalunan ng Igorot Stone Kingdom, Inc. sa halagang PHP6.62 milyon; at ang Bentley Bentayga ay napunta sa TDY Consumer Goods Trading sa halagang P12.18 milyon.
Ang pinakahuling subasta ay nakalikom ng P25.75 milyon. Kasama ang bayarin sa rehistro, umabot sa P25.77 milyon ang kabuuang nalikom. Philippine News Agency

