LTO1

LTO nilinaw na fake news patakaran sa driver’s license

Jun I Legaspi Feb 27, 2026
197 Views

NILINAW ng Land Transportation Office (LTO) na walang katotohanan ang kumakalat na impormasyon online tungkol sa umano’y bagong patakaran sa driver’s license para sa mga senior citizen simula Marso 1, 2026.

Sa pahayag ng ahensya, sinabi nitong may “WALANG KATOTOHANAN” ang viral na video sa social media na nagsasabing may “Bagong Driver’s License Rules Para Sa Senior Citizens Simula March 1, 2026.”

Ayon sa LTO, ang mga pahayag sa video tungkol sa bagong medical requirements, mas mahigpit na renewal process, o pagbabago sa validity period para sa mga senior driver simula sa nabanggit na petsa ay “HINDI OPISYAL at HINDI TAMA.”

Iginiit ng ahensya na wala itong inilalabas na direktiba o memorandum na nagpapataw ng panibago o karagdagang patakaran sa pagkuha at pag-renew ng driver’s license ng mga senior citizen simula Marso 1, 2026. Nanatiling umiiral ang kasalukuyang mga patakaran at proseso.

Hinikayat ng LTO ang publiko na maging mapanuri at umiwas sa impormasyong walang opisyal na pinagmulan. Pinayuhan ang mga motorista na sumangguni lamang sa opisyal na website at verified social media accounts ng ahensya para sa tama at pinakabagong impormasyon tungkol sa mga patakaran at serbisyo nito.