Calendar
Tumakas na Koreano nasakote ng BI
NAARESTO ng mga Bureau of Immigration (BI) agents ang isang Korean national noong Feb. 26 na tumakas mula sa kustodiya ng pamahalaan noong enero 1 sa Diosdado Macapagal Boulevard, Brgy. Tambo, Parañaque.
Sa operasyon, muling naaresto ang 32-taong gulang na si Lee Jingyu, na may Summary Deportation Order, dahil sa pagiging “undesirable” at nakalista sa Interpol Red Notice para sa kasong drug smuggling.
Si Lee ay tumakas mula sa BI Warden Facility sa Muntinlupa noong Enero 1. Batay sa mga ulat, nagpalipat-lipat siya mula Maynila patungong Baguio at iba pang kalapit na lugar upang makaiwas sa mga awtoridad.
Nauna nang naaresto ang kanyang kasamang si Yang Heejun noong Enero 14, ayon sa report.
Sa muling pag-aresto kay Lee, natagpuan din ng mga operatiba ang isa pang Koreanong si In Jaesang, 41, na nagsilbing lookout at escort sa kanyang mga paggalaw.
Dahil sa kawalan ng pasaporte o anumang dokumentong pang-imigrasyon, agad din siyang inaresto.
“Walang puganteng sumusuway sa ating batas at umaabuso sa ating sistema ang makakahanap ng kanlungan sa bansa,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Samantala, iniulat ng BI ang deportasyon ng isa pang Koreanong si Na Ikhyeon, 28, dahil sa panlilinlang sa mga kapwa Koreano na mag-invest sa mga pekeng account at pagkatapos ay inalis ang pondo para gamitin ang pera.

