Ridon Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon

Ridon: Kamara magiging patas sa paghawak ng impeachment vs VP Sara

153 Views

ISANG pangunahing miyembro ng House Committee on Justice ang nagsabi noong Sabado na ang affidavit ni Ramil Madriaga, na nagsasabing siya ay dating ahente ng militar at umano’y bagman ni Bise Presidente Sara Z. Duterte, ang “bagong ebidensiya” sa panibagong proseso ng impeachment laban sa kanya.

Ibinigay ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, na namumuno sa House Committee on Public Accounts, ang pahayag na ito sa ginanap na Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City. Tiniyak din niya sa publiko na magiging patas ang komite sa pagtalakay sa apat na reklamong impeachment laban kay Duterte.

“Basically, ‘yung major grounds ay magpapatuloy po sa kasalukuyang impeachment proceedings. Kasama po diyan ‘yung betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption,” ani Ridon sa forum.

Aniya, kabilang din sa tatalakayin ng komite ang umano’y maling paggamit ng Bise Presidente sa P612.5 milyong confidential at intelligence funds, ang kanyang naging bantang kamatayan na naitala sa video laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, gayundin ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

“Kasama din po ‘yung affidavit ni Ramil Madriaga, na nagpapakilala bilang bagman ni VP Sara Duterte. So we will look at all these allegations, particularly the allegations of Ramil Madriaga with a very critical eye. Kasi very important po na ma-vet thoroughly lahat po ng babanggitin niya, lahat ng nakasaad sa kanyang affidavit,” dagdag ni Ridon.

“So if the question is what is new in this impeachment proceeding, it would be the Madriaga affidavit,” diin niya.

Ayon sa affidavit ni Madriaga, ang pondo para sa kampanya ni VP Duterte noong pambansang halalan ay nagmula umano sa mga drug lord at ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Sinabi ni Ridon na nakatuon ang Kamara na panatilihin ang pagiging patas at malinaw ang proseso sa pagproseso ng mga reklamong impeachment laban sa Bise Presidente.

“Ang commitment po ng committee on justice ay ipatutupad ang mga kaugnay na patakaran sa impeachment na ipinatupad natin sa mga naunang impeachment proceedings katulad ng impeachment proceeding ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.,” aniya.

“At commitment din po ng komite na magiging fair ang pagpapatupad ng aming mandato sa bagay na ito,” dagdag niya.

Inanyayahan din niya ang publiko na subaybayan ang mga pagdinig ng impeachment sa Kamara simula sa Lunes.

“Inaanyayahan po natin ang ating mga kababayan na tunghayan ang determination in sufficiency in form and substance proceedings ng House Committee on Justice na magsisimula sa March 2, ngayong Lunes, alas-10 ng umaga,” sabi ni Ridon.