Maximo

Panukalang pagpapaliban ng Barangay, SK polls tinapos na ng House Suffrage committee

217 Views

TINAPOS na ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na pinamumunuan ni Rep. Maximo Dalog, Jr. ng Mountain Province ang pagtalakay sa panukala na ipagpaliban ng isang taon ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections sa Disyembre 5.

Noong nakaraang linggo pinagkasunduan ng mga miyembro ng komite ang pagpapaliban ng halalan at ngayong Huwebes, Agosto 25, inaprubahan ang committee report kaugnay nito.

Sa halip na sa Disyembre 5, 2022, ang halalan ay isasagawa sa unang Lunes ng Disyembre 2023 at kada tatlong taon matapos nito.

Ang mga mananalo sa 2023 elections ay manunungkulan simula Enero 1, 2024.

Mananatili naman ang mga kasalukuyang opisyal hanggang sa maka-upo ang mga mananalo sa naturang halalan maliban na lamang kung ang mga ito ay masususpendi o maaalis sa puwesto.

Sinabi ni Dalog na ipadadala ang panukala sa House Committee on Appropriations upang malaman kung ano ang gagawin sa mahigit P8 bilyong pondo para sa halalan at matiyak na magkakaroon ng pondo ang Commission on Elections (Comelec) sa susunod na taon para ituloy ang halalan.