Calendar
House Committee on Justice Chair Gerville “Jinky Bitrics” Luistro
Chair Luistro: Katotohanan ang ating landas
https://www.facebook.com/share/v/1B1896kPwz/
SA kabila ng libu-libong pahina ng mga dokumentong nakasalansan at mahigpit na nakamasid ang buong bansa, nanawagan nitong Martes si House Committee on Justice Chairperson Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas sa mga mambabatas na kumilos nang maingat at may integridad habang sinisimulan ng komite ang pagsusuri sa nilalaman ng ikatlo at ikaapat na impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte.
“Muli, itutuloy na natin ang pagdinig para sa prosesong ito. Ang Saligang Batas ang ating kumpas. Ang katotohanan ang ating landas,” ani Luistro sa kanyang pambungad na pahayag sa pagdinig ng kanyang komite sa People Center ng House of Representatives noong Martes.
“Ngayon, higit kailanman, dapat nating kilalanin ang bigat ng ating tungkulin. Hindi lamang tayo inaatasang suriin ang mga papeles, kundi tiyakin na nasusunod ang Konstitusyon,” dagdag pa niya.
“Kung ang mga paratang ay karapat-dapat pagtuunan ng pansin, responsibilidad nating ituloy ang susunod na hakbang upang panagutin ang pinakamataas na opisyal ng bansa sa kanilang mga kilos. Kaya’t magpatuloy tayo nang maingat at may integridad,” sabi ni Luistro.
Ipinaalala ni Luistro sa publiko na hindi pa tinutukoy ng komite ang pagkakasala sa yugtong ito.
“Muli kong uulitin: Sa yugtong ito, hindi pa natin tinutukoy ang pagkakasala. Hindi pa natin tinitimbang ang ebidensya. Ang tanging tanong sa harap natin ay: May sapat bang nilalaman ang mga reklamong ito upang bigyang-katwiran ang pagpapatuloy ng proseso ng impeachment? Ito bang nakasaad dito, sapat ba itong dahilan para sa impeachment?” ani Luistro.
Inilarawan niya ang mga pagdinig bilang isang pagsubok sa katapatan sa Konstitusyon.
“Magpatuloy tayo alinsunod sa Konstitusyon, na itinataguyod ang prosesong itinakda ng ating Saligang Batas. Kumilos tayo nang may integridad na hinihingi ng ating panunumpa sa tungkulin, at may transparency na inaasahan ng sambayanang Pilipino,” ani Luistro.
Nagtipon muli ang komite upang isagawa ang tinawag ni Luistro na “susunod na mahalagang hakbang” sa kanilang konstitusyonal na responsibilidad: ang pagsusuri sa sapat na nilalaman ng dalawang natitirang reklamo.
“Kahapon ay tinutukan natin ang porma. Ngayon, lilipat tayo sa substansya—ang puso ng impeachment,” aniya. “Kung kahapon ay naging teknikal ang ating usapan, ngayon naman ay hihimayin at susuriin natin ang mismong laman ng bawat reklamo.”
Binuod ni Luistro ang mga naging aksyon ng komite noong nakaraang Lunes, nang simulan ng mga miyembro ang deliberasyon sa apat na impeachment complaint.
Una, inaprubahan ng komite ang pag-atras sa ikalawang reklamo matapos piliin ng mga nagrereklamo na suportahan ang ikatlong reklamo.
Pinagtibay ito ng pag-withdraw ng mga pag-endorso nina Reps. Perci Cendaña ng Akbayan Party-list at Leila De Lima ng Mamamayang Liberal (ML) Party-list, aniya.
Ayon kay Cendaña, ang pagbawas sa bilang ng mga reklamo ay makatutulong upang mapabilis ang matagal nang naantalang proseso ng impeachment, habang sinabi naman ni De Lima na magbubunga ito ng mga estratehikong pakinabang sa hinaharap, at hindi mahalaga kung paano makarating doon basta makarating.
Ikalawa, isinantabi ng komite ang unang reklamo dahil sa paglabag sa one-year bar rule ng Konstitusyon.
Naipasa ang mosyon sa botong 22 pabor, 10 tutol, at walang abstain.
Sa kabila ng mga argumento nina Reps. Antonio Tinio, Renee Co, Sarah Elago at De Lima, sinabi ni Luistro na ang boto ay sumasalamin sa “maingat na interpretasyon ng Konstitusyon,” kasabay ng paalala ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman at Manila Rep. Joel Chua na ang mga miyembro ay nag-iingat sa pagbibigay-kahulugan sa limitasyong konstitusyonal.
Ikatlo, kasunod ng sponsorship speech ni De Lima, natukoy ng komite na sapat sa porma ang ikatlong impeachment complaint, dahil ito ay naihain sa tamang panahon at tumalima sa lahat ng pormal na rekisito.
Ikaapat, matapos ang sponsorship speeches nina Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union at House Committee on Human Rights Chairman Bienvenido “Benny” Abante ng Manila, idineklara rin ng komite na sapat sa porma ang ikaapat na reklamo.
Ayon kay Abante, batay sa tungkulin, dangal, at prinsipyo, hindi na siya maaaring manahimik kaya niya ito inendorso. Parehong inaprubahan ang dalawang reklamo nang walang pagtutol.
Matapos malampasan ang mga usaping procedural, tumuon ang komite sa tinawag ni Luistro na “puso ng impeachment.”
“Dito natin titingnan kung ang mga paratang ay umaabot sa pamantayan para sa impeachment,” ani Luistro. “Umaabot ba ang mga paratang sa antas ng mga impeachable offense? Natutugunan ba ng mga reklamong ito ang konstitusyonal na threshold upang magpatuloy? At higit sa lahat, sapat ba ang kredibilidad ng mga paratang upang bigyang-katwiran ang pagpapatuloy ng proseso?”
Binigyang-diin ni Luistro ang lawak ng gawain ng komite.
Ayon sa kanya, ang ikatlong reklamo ay may 98 pahina, na may kalakip na mahigit 900 pahina ng attachments.
Samantala, ang ikaapat na reklamo ay may 72 pahina at halos 800 pahina ng mga sumusuportang dokumento.
“Hindi ito biro. Ito ay seryosong mga paratang na nangangailangan ng seryosong pagsusuri. Ang bawat pahina ay may katanungan. At ang bawat katanungan ay nangangailangan ng sapat na kasagutan,” ani Luistro.
“Ito ay masusing, detalyadong gawain na nangangailangan ng maingat na pagsusuri at ng ating buong atensyon,” pagtatapos niya.

