Delima Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima

De Lima: Mananagot si VP Sara sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5M confi funds

266 Views

SINABI noong Martes ni MAMAMAYANG Liberal (ML) Party-list Rep. Leila De Lima sa House Committee on Justice na si Bise Presidente Sara Duterte ang umano’y “pinakamataas na responsable o accountable officer” sa sinasabing maling paggamit ng ₱612.5 milyon na confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Aniya, ang umano’y pag-ipon at pag-convert ng mga pondong ito ay maituturing na mga kasong maaaring pagbatayan ng impeachment.

Inendorso ni De Lima ang ikatlong reklamong impeachment na nag-aakusa kay Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa umano’y pag-ipon at pag-convert ng hindi bababa sa ₱500 milyon na confidential funds na inilaan sa OVP para sa fiscal years 2022 at 2023, at ₱112.5 milyon na confidential funds na inilaan sa DepEd para sa fiscal year 2023.

“Ang VP mismo ang ultimate responsible officer o accountable officer sa lahat ng gastusing ito o sa lahat ng disbursement at paggastos ng confidential funds,” ani De Lima sa kanyang manifestation habang tinutukoy ng komite ang sufficiency in substance ng ikatlong reklamo.

Ayon sa dating kalihim ng Katarungan at senador, malinaw sa reklamo na si Duterte ang accountable officer ng nasabing mga pondo at walang disbursement na maaaring maganap nang walang kanyang pag-apruba. Nakasaad din sa reklamo na si Duterte umano ang nag-utos sa paghahanda, pag-encash, at paghahatid ng mga pondo.

Binanggit ni De Lima ang mga audit findings at sertipikasyong kalakip ng reklamo, at iginiit na ang mga pondo ay hindi ginamit para sa lehitimong layunin ng confidential o intelligence operations.

Aniya, batay sa audit observation memoranda na inilabas ng Commission on Audit (COA), ang mga pondo ay hindi talaga ginamit para sa lehitimong confidential at intelligence purposes kundi “maling naipamahagi sa maling mga tao at para sa maling layunin.”

Tinukoy niya ang mga gastusin para sa “safe houses, mesa at upuan, at mga laptop,” at tinawag itong “maling paggamit ng confidential funds, kasama pa ang pagtatakip.”

Inakusahan din ni De Lima ang umano’y paghadlang sa oversight nang hingin ang mga dokumento mula sa state auditors.

“Matatandaan ninyo nang humiling ang komite sa COA ng anumang finding o sertipikasyon kaugnay ng paggastos ng pondo ng OVP, pinigilan pa umano ito ng kanyang Chief of Staff na huwag gawin ng COA. Isa itong anyo ng obstruction at ito ay sa ilalim ng kanyang utos,” ani De Lima.

Binigyang-diin niya na ang mga dokumentong kalakip ng reklamo ay may pag-apruba ng Bise Presidente.

“Inaprubahan ito ng Bise Presidente mismo. May pirma siya sa ilang kalakip na dokumento,” sabi ni De Lima.

“Kaya hindi ko nakikita ang bisa ng argumento na walang patunay na may kinalaman ang VP sa maling paggastos ng confidential funds ng Office of the Vice President,” dagdag niya.

Iginiit ni De Lima na kung ipagpapalagay na totoo ang mga alegasyon, ito ay bumubuo ng culpable violation of the Constitution, plunder at/o malversation, graft and corruption, iba pang matitinding krimen, at betrayal of public trust.