Lacson

Lacson tumugon sa paratang ni Marcoleta

153 Views

NAGPALITAN ng pahayag sina Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson at Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng umano’y “spliced” na video at ng interpretasyon sa mga naging pahayag tungkol sa Kalayaan Island Group (KIG).

Sa isang post sa X nitong Miyerkules, binigyang-tugon ni Lacson ang paratang ni Marcoleta hinggil sa video na umano’y inedit, na matagal na niyang itinanggi.

“Yesterday, I was tempted but chose not to respond. I would have used a language that my colleague may better understand: ‘Xiao chong bu ke yu bing’. It means, ‘You cannot explain ice to a summer insect,’” pahayag ni Lacson.

Tinanong din ni Lacson kung ano pa ang puwedeng “i-splice” sa mga naging pahayag ni Marcoleta sa Commission on Appointments confirmation hearing noong Pebrero 4.

“What is there to splice when his utterances during the Commission on Appointments confirmation hearing last February 4 could not have been interpreted any other way than ‘surrender the KIG’ that even a kindergarten pupil can fully comprehend?” dagdag ni Lacson.

Samantala, sa privilege speech ni Marcoleta noong Marso 3, itinanggi niyang nanawagan siya na isuko ang KIG at iginiit na mali ang pag-uugnay sa kanya sa ganitong paninindigan.

“We will protect what is rightfully ours and firmly uphold our rights under international law. Any statement alleging that I said, suggested, or implied that we should give up the Kalayaan Island Group is completely false,” sabi ni Marcoleta, kasabay ng babala niya sa “cheap fakes” at sa “selective splicing, omission, or rearrangement” na aniya’y kayang magpabago ng kahulugan ng isang pahayag.

Ipinaliwanag ni Marcoleta na ang mga sinabi niya noong Pebrero 4 sa pagdinig ay tumutukoy sa mga puntong legal at teknikal, kabilang ang mga pagkakaibang binanggit niya tungkol sa Philippine Exclusive Economic Zone at sa West Philippine Sea, at ang mga komplikasyong aniya’y kaugnay ng pagmamapa ng mga tubig na konektado sa ilang features na may kinalaman sa KIG.

Sinabi rin ni Marcoleta na nabanggit niya ang “a hypothetical way out about giving up the KIG,” na aniya’y halimbawa lamang upang ipakita ang mga balakid at hindi panawagan ng pag-abandona.

Dagdag pa ni Marcoleta, noong Pebrero 5 ay “one of our colleagues” umano ang naging dahilan para mailathala sa pamamagitan ng opisyal na social media account ang aniya’y “a splice and manipulated compilation” ng kanyang mga sinabi sa CA hearing, na aniya’y lumikha ng impresyon na isinusuko niya ang KIG.

Sinabi ni Marcoleta na sumulat siya sa naturang kasamahan upang linawin ang “purpose and intent” ng paglalathala ng video at binanggit ang sagot na nagsasabing seryoso ang paratang at nangangailangan ng patunay.

“None has been provided. I strongly disagree, Mr. President. The substantiation lies in the record itself,” sabi ni Marcoleta, at idinagdag na ang opisyal na transcript at ang unedited proceedings, ayon sa kanya, ang magpapakita kung paano aniya nailabas sa konteksto ang kanyang mga sinabi.

Binigyang-diin din ni Marcoleta na may pananagutan ang opisina sa mga inilalathala kahit hindi umano personal na humahawak ang senador ng araw-araw na pag-upload, at binanggit ang konsepto ng “command responsibility” at mga halintulad sa pananagutan sa ilalim ng vicarious liability.

Sa panig ni Lacson, nanindigan siyang replay lamang ng mga pahayag ni Marcoleta ang na-post at sinabi niyang walang “splicing” na naganap.

Ang usapin ay may kaugnayan sa mga pahayag hinggil sa territorial claims ng Pilipinas sa West Philippine Sea.