Kaso

Senate Ethics Committee naghahanda sa pagsusuri ng mga kaso

130 Views

NAGHAHANDA na ang Senate Committee on Ethics and Privileges para sa pagsisimula ng pagsusuri sa anim na kasong nakahain laban sa ilang senador, kabilang na ang committee chair na si Senator JV Ejercito. Sa isang press conference noong Miyerkules, ipinaliwanag ni Ejercito na natapos na ng komite ang kanilang ikalawang pagpupulong kung saan tinalakay ang mga usaping procedural at ang pag-adopt sa mga binagong panuntunan.

Isinaad ni Ejercito na hindi pa maaaring aksyunan ng komite ang mga kaso hangga’t hindi pa naipapublish ang mga bagong panuntunan. Pagkatapos ng publication, kailangan pang lumipas ang limang araw bago ang susunod na pagpupulong na target sa Marso 18. Sa oras na maging epektibo ang mga tuntunin, sisimulan ng komite ang pag-vet sa mga reklamo upang matiyak kung ang mga ito ay nasa tamang anyo at may sapat na basehan.

Kinumpirma ni Ejercito na kabilang siya sa mga senador na may kinakaharap na reklamo at binigyang-diin niya ang kanyang desisyon na mag-inhibit sa mga prosesong may kinalaman sa kanyang kaso. Ayon sa kanya, “Oh definitely, that’s a given. Marami sa amin actually. Yan ang marami pero a number of us. Kung may kaso then we will definitely mag-inhibit”. Upang maiwasan ang espekulasyon, napagkasunduan ng komite na hindi muna ilalabas ang mga pangalan ng mga senador na inirereklamo hangga’t hindi pa natutukoy kung may sapat na basehan ang mga alegasyon.

Nilinaw ni Ejercito ang kahalagahan ng pagprotekta sa reputasyon ng mga miyembro laban sa mga posibleng maling paratang: “Kasi it will be unfair kung mga frivolous po yung mga complaints or allegations, tapos pagpipiestahan na sila. Pagpipiestahan na kami. That includes me. In media, social media and by the public”. Inilahad din ni Ejercito na posibleng gawing executive session ang mga pagdinig dahil sa pagiging sensitibo ng mga usapin. Sakaling makakita ng sapat na basehan, bibigyan ng pagkakataon ang mga senador na sumagot sa mga reklamo. Bagama’t ang Ethics Committee ang magsasagawa ng imbestigasyon at magrerekomenda ng aksyon—tulad ng suspensyon o expulsion—ang plenaryo pa rin ng Senado ang magdedesisyon sa huli.

Ang komite ay binubuo ng pitong miyembro na may pantay na representasyon mula sa majority at minority, na ayon kay Ejercito ay magsisiguro na magiging patas ang takbo ng imbestigasyon.