Ortega1

Dapat nakasentro lamang sa katotohanan ang impeachment complaint — Ortega

Mar Rodriguez Mar 4, 2026
135 Views

BINIGYANG DIIN ni House Deputy Speaker at La Union 1st Dist. Rep. Francisco Paulo P. Ortega V na dapat tukuyin ng Kamara de Representantes ang mga mahalagang detalye ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa House Deputy Speaker, dapat ay nakabase lamang sa katotohanan ang reklamo kung dapat ituloy ang paglilitis kay VP Sara sa Senado sa pamamagitan ng impeachment trial.

Ipinaliwanag ni Ortega na ang ginagawa nilang pagtalakay sa impeachment complaint ay hindi umano tungkol sa pagdedeklara kung sino ay may sala kundi ang pagganap sa kanilang tungkulin na suriin ang mga katotohanan at tukuyin kung mayroong sapat na batayan ang reklamo upang ito ay dalhin sa Senado.

“This is not about declaring anyone guilty today. Our duty is straightforward. Examine the facts and determine whether there is enough basis to move this to the Senate,” ani Ortega.

Dagdag pa ng kongresista na kung ang impeachment complaint ay sinusuportahan ng ebidensiya. Ito ay ia-akyat nila sa Senado at kung hindi naman, ito ay ibabasura ng House Committee on Justice dahil tungkulin umano nilang mga mambabatas na maging makatarungan at patas ang isasagawa nilang proseso.

“If evidence supports it. We will elevate it, if not, we dismiss it. We owe the Filipino people a process that is fair, steady and faithful to our mandate,” ayon pa kay Ortega.

Inakusahan si VP Sara sa beripikadong reklamo (verified complaint) ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, brivery at iba pang mabibigat na krimen.

Kabilang din sa inihaing reklamo ni Atty. Nathaniel Cabrera na inendorso naman ni Manila 6th Dist. Rep. Bienvenido “Benny” M. Abante, Jr. ang di-umano’y maling paggamit ng confidential funds,

panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) noong siya pa ang Kalihim ng ahensiya at pagbabanta sa buhay ni President Bongbong R. Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.