MPD Kinilala ni PLt. Col. Rommel Anicete, hepe ng Baseco Police Station 13, ang Top 1 most wanted person na may kasong murder matapos matimbog sa Baseco Compound, Port Area, Manila. Source: MPD-Baseco Police Station

Suspek sa murder binulaga ng MPD sa Port Area, swak sa selda

Jon-jon Reyes Mar 7, 2026
221 Views

HINDI na nagawang makatakas ng isang 29-anyos na lalaki nang bulagain at arestuhin ng Manila Police District (MPD) Baseco Police Station 13 dahil sa kasong pagpatay, makaraan na matunton ang kinalalagyan nito sa Barangay 649, Baseco Compound, Port Area, Manila, noong nakaraang Linggo.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Rommel S. Anicete, hepe ng Baseco Police Station 13, ang suspek na si alyas “Loloy” na binata at construction worker.

Ayon sa report ng pulisya, bandang alas-11:30 ng tanghali nang maispatan ang suspek sa nabanggit na lugar habang nagsasagawa ng operasyon ang mga operatiba sa pangunguna ni PLt. Apolonio B. Ellao, sa ilalim ng direktang pangangasiwa ng station commander na si Anicete.

Dito na dinamba at isinilbi sa akusado ang arrest warrant, na inisyu ni Judge Jayson J. Zapanta ng Regional Trial Court Branch 174 na may petsang Enero 20, 2025.

Dahil sa karagdagang kaalaman na ang suspek ay kabilang sa Top 1 most wanted person sa district level ay walang piyansang inirekomenda ang korte.

Agad na iniharap kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang suspek bilang accomplishment ng mga kapulisan ng Maynila.

Pinuri at pinasalamatan ni Yorme Isko ang mga kapulisan sa pamumuno ni Anicete sa mapayapa at matagumpay na operasyon sa Baseco Compound, Port Area.