Calendar
Binigyang-diin ni Sen. Risa Hontiveros na hindi na sapat ang kasalukuyang pondo ng pamahalaan para tugunan ang epekto ng krisis sa mga bulnerableng sektor. Aniya, kailangan ng isang komprehensibong tugon ng gobyerno. JOSEPH MUEGO
Supplemental budget para sa subsidiya ng OFWs, transportation, agrikultura hiling ni Sen. Risa
NAGHAIN ng panukala si Senador Risa Hontiveros para sa isang supplemental budget ngayong taon upang pondohan ang mga subsidiya para sa mga overseas Filipino worker (OFW), sektor ng transportasyon, at agrikultura sa gitna ng tumataas na presyo ng langis at tensyon sa Middle East.
Sa isang panayam, binigyang-diin ng senador na hindi na sapat ang kasalukuyang pondo ng pamahalaan para tugunan ang epekto ng krisis sa mga bulnerableng sektor. Aniya, kailangan ng isang komprehensibong tugon ng gobyerno.
“Kailangan talaga pakete ng mga responses kasama na itong binanggit kong for OFW repatriation and reintegration, energy subsidy, at sa agricultural subsidy,” ani Hontiveros.
Bukod sa mga subsidiya, nilinaw ng senador na pinag-aaralan pa ng kanyang opisina ang opsyon na suspindihin ang Value Added Tax (VAT) sa petrolyo bilang alternatibo sa pagbabawas ng excise tax upang mas mabilis na maramdaman ng publiko ang tulong.
“It might be even better than suspending the excise tax at ito yung pag-suspinde ng VAT tax on petroleum and petroleum products kasalukuyan namin pinag-aralan yung ideyang iyon,” paliwanag niya.
Tiniyak ni Hontiveros na maaari pang maipasa ang nasabing supplemental budget sa loob ng natitirang panahon ng kasalukuyang sesyon ng Kongreso kung magkakaisa ang Senado, Mababang Kapulungan, at ang ehekutibo.
“Kung dadalhin din ang mga kasama ko sa Senado, itong panukala kong supplemental budget in those categories and in those amounts kung makukumbinsi sila o sasang-ayon na yung mga identified namin so far na sources of funds ay oo nga pwedeng pagkuhaan para buoin yung kakailanganing pera, always where there’s a will, there’s a way,” pahayag pa ng senador.
Nanawagan din ang mambabatas sa sektor ng enerhiya na maging makatao sa pagtatakda ng presyo sa gitna ng krisis at iwasan ang anumang uri ng pagsasamantala na magpapabigat sa pasanin ng mga mamamayan.

